Konsehal sa Abra, sugatan sa pamamaril

La Trinidad, Benguet – Sugatan ang isang miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Lagayan sa Abra dahil sa pamamaril sa mismong town hall grounds.
Ayon sa ulat, nag-iinuman diumano sa isang SB kiosk sa tapat ng town hall sina Noel Cortez, 54, kabilang ang kaniyang mga kasamahan sa SB na sina George Seguerra, Louie Layao, Edwardo Alejandro at SB secretary Daily Madriga samantalang kasalukuyang umiinom sa kabilang mesa katabi nila si Jerome Andoy, 30, mula sa Barangay Pang-ot, Lagayan, at bigla na lamang naglabas ng baril subalit naawat ito.
Tinawag ang mga pulis ng Lagayan upang magsiyasat.
Si Cortez, kabilang ang mga kasamahan, ay pumayag na hindi ituloy ang reklamo laban kay Andoy at nagdesisyong ayusing mapayapa.
Nang pabalik na ang mga pulis sa kanilang station, iniulat nilang nakasalubong nila si Andoy sa kahabaan ng municipal road. Kinapkapan nila ang suspek ngunit hindi nakita ang armas na ginamit.
Sa ulat ng mga pulis, bumalik sila sa town hall at sinabi kina Cortez at mga kasamahan nito na ang suspek ay nagdesisyong harapin sila sa police station ng July 24.
Nang pabalik na ang mga pulis sa kanilang opisina, nakarinig sila diumano ng sunod-sunod na putok ng baril galing sa town hall. Kasunod ay natagpuan na lang nilang binaril ni Andoy nang ilang beses si Corez habang pauwi ang biktima sakay ng kaniyang Toyota Hi-Ace Van na may plakang BCX 186.
Ang mga pulis, katulong ang ilang sundalo ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang humabol sa suspek na tumakas papuntang Angib River at nakipagpalitan ng putok hanggang sa Palsubuan River papuntang Barangay Pang-ot, Lagayan, Abra ngunit nabigo ang otoridad na mahuli ito.
Nagtamo si Cortez ng tatlong gunshot wounds, isa sa kaniyang kanang kamay at dalawa sa kanang hita; at itinakbo sa Abra Provincial Hospital.
Nakita sa crime scene ang walong fired cartridge shells ng cal. 9mm na armas.
Iniutos ni Abra Rep. Joseph Bernos, vice chairman ng House Committee on Peace and Order, sa mga pulis ng Lagayan na masusing siyasatin ang insidente ng pamamaril. “We need a fair investigation,” ani Bernos na nagpapahiwatig ng ilang lapses sa imbestigasyon ng Lagayan police sa nakalipas. “Based on the history of the town, there was never a fair and just investigation,” pagtatapos ni Bernos.
Si Cortez ay kakampi ni Bernos sa pulitika. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon