Sa lahat ng mga umpukan, usap-usapan ang mga kont robers iyang nagaganap sa ating bansa. Mga samut-sari na dapat lang pag usapan dahil nakakaapekto na ito sa ating buhay at maaring sa hinaharap. Ang tatlong pangalan na dapat sundan ay Sara, Quibuloy at Guo. Bakit? Rumatsada na naman kamakailan ang pangalan ni Vice Pres. Sara Duterte. Wala kasi siya sa Kongreso nang hinihimay ang kanyang panukalang budget para sa mga programa sa kanyang opisina.
Sabi nga ng mga mambabatas…dapat ay naroon siya dahil budget ng kanyang opisina ang pinag uusapan. Walang nakakaalam kung bakit hindi siya sumipot. Meron na daw siyang sulat o dokumentong pinadala sa Kongreso na nagsasaad ng lahat ng kanyang programa na paglalaanan ng kanyang hinihiling na budget. Natural lang na nasa balag ng alanganin ang mga mambabatas kung saan ba talaga ang mga programang popondohan ng bise presidente. Sana raw kung naroroon siya sa pagdinig, masasagot niya agad ang mga alinlangan kung meron man.
Dahil dito, lumalawak na ang pag-aalinlangan sa kanyang serbisyo sa bayan bilang ikalawang pangulo. Marami na ang nangalaglag na kilay sa malaking pagbabago sa ugnayan ng pangulo at ikalawang pangulo ng bansa. Sabi nga nila: saan kaya sila hahantong? Tiyak may mga taong sulsol sa likud ni Vice Pres. Sara. Sabi ng mga analysts: malalim ang puntirya ng kampo ni VP Sara. Masyado yatang maaga dahil ang presidential election ay sa 2028 pa.
Tama ang sabi noon ng aking lolo: “ apok..huwag kang pumasok sa pulitika dahil marurumihan ka lang ng tone toneladang mantsa.” Sa ngayon…usap-usapan kung saan ba dapat makulong ang grupo ni Pastor Quibuloy pagkatapos itong maaresto. Ang gusto ng kanyang kampo…dapat daw ay sa bakuran ng AFP o militar. Bakit wala daw ba siyang tiwala sa kustudiya ng PNP? Dapat ang ikasa nila sa ngayon ay ang kanilang pangontra sa lahat ng mga kasong ipinila at maaring ipipila pa sa hinaharap.
Kung totoong wala silang kasalanan…di daw dapat nagtago bago lumantad. May legal tayong mga proseso hinggil sa mga kaso. Kailangan lang kalkalin ang katotohanan. Pero maraming pumuna…bakit daw takip-sarado ang mga mukha ng mga akusado nang humarap sa bayan? Ayon sa mga eksperto sa batas..ito raw ay nasasaad sa ating batas hinggil sa isyu ng karapatan ng isang tao. Sabi naman ng mga moralista: kung tunay kang walang itinatagong labag sa batas…di ka dapat matakot na lumantad.
Sa isyu naman kay dating Bamban Mayor Alice Guo…sabi ng marami: masalimuot pa raw ang mga araw na darating para sa kanya. Nang tanungin siya hinggil sa kung sino ang nasa likud ng kanyang pagtakas…ayaw niyang sagutin. Pinasulat na lang. Ang kaso, bakit hindi naman tinalakay ng mga mambabatas kung sino ang isinulat. Bakit kinakailangang itago sa madla ang pagkatao ng kanilang tinutukoy at pinilit nilang kinuha kay Alice Guo? Tuloy kung ano-anong kurokuro ang nabubuo sa isipan ng mamamayan.
Ang nakakatakot, ika nila…na baka magiging “state witness” pa siya pag nagkataon. Pasubali naman ng mga legalista na hindi raw siya pupuwedeng magiging “state witness” dahil “most guilty” ito sa krimen. Sa ngayon…naninimbang pa rin si Juan dela Cruz sa mga nagaganap sa daigdig nina VP Sara, Pastor Quibuloy at Alice Guo. Sa panig ni VP Sara..nakakatiyak tayong may bahid-pulitika ito. Sa panig naman nina Quibuloy at Guo…karapatan sa batas at pinal na panghuhusga ng ating mga hukuman ang magiging pangwakas na timbangan. Nakatanghod ang bayan sa maaring bunga ng pagsisikap na maresolba ang krimeng nangyari na hindi na lingid sa lahat.
Adios mi amor, ciao, mabalos.
September 15, 2024
September 15, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024