Umapak ako ng Kolehiyo sa Baguio City taong 1987 na amoy Pino ang halimuyak kahit saan. Napakaganda ng tanawin at nakikipaghalikan ako sa hamog habang naglalakad mula sa aming boarding house sa Engineer’s Hill hanggang University of the Philippines Baguio at pabalik. Kapag nagagawi kami noon sa Session Road, mistulang parke ito dahil balot ang pangunahing lansangang ng hamog at tanawing animo’y paraiso.
Mag-aapat na dekada na ako sa Baguio. Ang dating amoy pino, amoy nakakasulasok na usok na. Ang tanawing mala Paraiso, pansitan na! Naging salusalungat ang mga kable ng cable tv, telecommunications, at kung ano ano pang tila sampayang halos lumaylay na sa kalupaan sa bigat. Dekada na ring idinudulog ang animoy pansitan sa kalangitan sa mga kumpanyang nagsabit sa mga ito. Dekada na rin silang bingi at bulag sa karimarimarim na itsura ng kanilang ginawa at patuloy na ginagawa.
Hanggat nagbigay na ng 3 linggong ultimatum si Mayor Benjie Magalong upang kumpunihin ng mga kumpanyang nagsabit ng mga kable, kung ayaw nilang pagpuputulin mismo ng pamahalaang lungsod ang mga ito. Sinusubukan yata talaga ng mga kumpanyang walang pakundangang nagsabit ng mga kableng nagpapangit sa Baguio ang ngipin ng administrasyon ni Mayor Magalong. Ako mismo’y magsasakripisyo at tiyak sa karamihan ng mahigit 300,000 mamamayang nagmamahal sa syudad upang pansamantalang mawalan ng mga serbisyo upang sa pangmatagalan nama’y ikaaayos at ikagaganda ng Baguio.
September 15, 2024
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025