Kuya tinaga ng kapatid sa Apayao

Isang lasing na kuya ang tinaga ng nayamot na nakababatang kapatid sa bayan ng Sta Marcela sa Apayao noong Oktubre 17.
Dahil sa kalasingan ay naghamon ng suntukan si Erick Calumpit Gorospe, 38, sa kanyang kapatid na si Jerry, 36, habang kumakain ng tanghalian kasama ang kanilang magulang sa kanilang tahanan sa San Mariano, Sta Marcela.
Sa ulat ng pulis ay nakadampot si Jerry ng mahabang itak at tinaga ang kanyang kuya sa ulo at likod.
Nagtamo ang biktima dalawang tama ng itak sa ulo at dalawa sa likod.
Ayon sa ulat ay inawat ng mga magulang ang magkapatid at isinugod ang biktima sa Sta. Marcela District Hospital sa Brgy. San Carlos, Sta. Marcela ngunit kalaunan ay inilipat sa Far North Luzon General Hospital and Training Center sa Luna, Apayao.
Ang nakakabatang kapatid ng biktima ay hinuli ng mga pulis at kinumpiska ang itak na ginamit nito. Ace Alegre

Amianan Balita Ngayon