LABANAN SA HALALAN

BYERNES ng magtapos ang buwan ng pagmamahalan, kung saan tiyak na pinuno ng matatamis na pagpapalitan ng
mga katagang tanging sa puso ang pinanggalingan. Hindi ba’t magkakasama nating ipinagdiwang ang Panagbenga, ang pinakaaabangang pestebal na taunang atraksyon ng lungsod? Muli at muli, tayo ay nakiindak, pakembot-kembot pa, habang iponamamalas ng ating mga paslit ang kanilang bigay-todong pagsasayaw sa mga kalsadang buong tikas at gilas na sama-samang pinagsaluhan. Hindi ba’t buong galak nating inihiyaw ang ating mga tinig na nagpupumilit na abutin ang kalangitan.

Hindi alintana ang init, walang kapagurang mapapansin, maihiyaw lamang ang buong paghanga sa dumaraang
parada ng mga dilag. Hindi ba’t atin pa ring ninanamnam ang galak nang magisnan ang hitik sa mga sari-saring bulaklak na buong sining na ipinangpalamuti pampatingkad piling-piling diwatang walang humpay sa
pagkaway habang walang pag-ibsan ang pagsasaboy ng mga ngiting wala ring hangganan? Ngunit biglang nagbago ang ihip ng panahon. Ngayong ika-2 na ng Marso, ngayon din nating nararamdaman ang unti-unting pag-init ng kapaligiran.

At dahil na rin sa nagbabagong panahon, atin ng nanamalayan ang alab ng kampanyang pormal ng nagsimula nitong Pebrero para sa mga naghahangad ng maglingkod sa mga posisyong nasyonal – sa Senado na siyang institusyon na pinag-ugatan ng di-mabilang na mga pinuno ng bansa. Ngayong Marso din – sa a- 3 na nga – ang simula ng 45 na
araw ng kampanyang lokal. Kunsabagay, noon pang isantaon ang kampanyang pormal ng sisimulan sa susunod na mga araw.. Malaking pagsisinungaling ang sabihing hindi natin alam ang pangangampanya nitong nagdaang mga panahon.

Ang sabi nga ng punong abala, huwag lang daw sabihin o banggitin na iboto silang mga kandidato, tanggap na at
ipagkibit ng balikat. Sige na, mangampanya na ng nasa lugar. Ipaghiyawan ang pagnanasang makapagsilbi sa
bayan. Sa totoo lang, matagal na nating pinagtitimpi at pinalalampas ang kabulastugang nagaganap.

Amianan Balita Ngayon