Lalaki, huli sa aktong pagnanakaw ng gasul

LUNGSOD NG BAGUIO – Huli sa aktong pagnanakaw ng gasul ang isang lalaki bandang 12nn ng Oktubre 23, 2018 sa Sumulong, Barangay Holyghost Proper, Baguio City.
Sa imbestigasyon, lumabas ng bahay ang biktimang si Jackson Aludos Patyang, 55, residente ng nasabing lugar; upang pumunta sa kalapit na tindahan nang hindi inilock ang main door. Matapos ang ilang minuto, bumalik ang biktima sa bahay niya at napansin ang suspek na si Napoleon Taoing Bulayang, 32, residente ng Km. 6 Poblacion, La Trinidad, Benguet, palabas ng kaniyang pintuan at bitbit ang puting sako. Nang tanungin ng biktima ang suspek kung ano ang laman ng nasabing sako ay sumagot ito ng “gasul” at biglang iniwan ang LPG tank at agad na tumakas subalit hinabol ito ng biktima kasama ang ilang kapitbahay.
Ang suspek at ang LPG tank na may bigat na 11kgs at may marking na Mark-Ishe gas na may laman at nagkakahalaga ng halos P2,100 na nakalagay sa puting sako ay dinala sa Holyghost Proper Barangay Hall, Baguio City at pagkaraan ay tinawag ang Police Station 3, BCPO bandang 12:15pm ng parehong araw.
Agad nagtungo ang mga tauhan ng Station 3 sa barangay hall at dinala ang suspek at item sa istasyon ng pulis para sa tamang disposisyon at dokumentasyon ng kaso.

Amianan Balita Ngayon