Magsasaka, ninakawan at pinagsasaksak sa Mt. Province

Patay ang isang 75 anyos na magsasaka matapos itong pagsasaksakin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng bahay nito sa Barangay Palitod, Paracelis, Mt. Province noong Oktubre 25, 2018.
Ayon sa ulat ng pulis, dakong ika-4 ng madaling araw nang natanggap ng Paracelis police ang isang tawag mula kay Barangay Chairman Andrew Pudlao tungkol sa isang lalaking nagngangalang Ramon Saldivar Sagaydoro na pinagsasaksak hanggang namatay ito.
Sa pagresponde ng mga pulis at SOCO ay napag-alaman na si Jaymar Sagaydoro, apo ng biktima, ay nagising sa ingay at nakita ang lolo na nagpupumiglas mula sa tatlong suspek na nakasuot ng bonnet.
Ayon kay Jaymar, isa sa mga suspek ang nagtanong kung saan nakatago ang pera at dahil sa takot ay itinuro niya ito.
Matapos ang ilang sandali ay itinali ang mga kamay at paa ni Jaymar gamit ang nylon rope at packing tape habang ang isang suspek ay pinagsasaksak sa tiyan ang lolo nito na agad nitong ikinamatay.
Agad na tumakas ang mga suspek at tinangay ang pera na hindi pa malaman kung magkano.
Iniimbestigahan pa rin ang insidente.

Amianan Balita Ngayon