BCC kailangan ng tapat at maayos na pangangasiwa

Itinayo noong 1978 ang Baguio Convention Center (BCC) sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa ilalim ng noo’y Ministry of Human Settlements na pinamunuan ni dating Unang Ginang Imelda R. Marcos sa sentro ng isang lumalagong lungsod noon sa Cordillera. Isa ito sa pinakamatanda at pinakamalaking pasilidad sa Norte kung saan ginagawa ang conventions, malalaking pagtitipon, at ibang malalaking aktibidad. Binuksan ang BCC sa isang makasaysayang World Chess Tournament sa pagitan nina Anatoly Karpov at Victor Korchnoi na kapwa mga Ruso. Subalit sa kabila ng malalaking kaganapan na dumaragdag sa kasaysayan nito ay marami ding kuwento sa likod na nananatiling lihim at hindi napapakinggan.
Nabili ng lungsod ng Baguio ang BCC sa GSIS sa halagang mahigit P300 milyon kasama ang interes gamit ang pinagsama-samang nalikom na pondo. Ang 40-anyos na pasilidad na hindi pa nakatikim ng malaking pagkumpuni at rehabilitasyon kahit pa matapos ang 1991 na lindol ay tumanggap ng P180 milyon pondong suporta mula sa Department of  Public Works and Highways para sa implementasyon ng inisyal na rehabilitasyon at pagbabago sa pangunahing pasilidad na pag-aari na ng lungsod.
Lumikha ang lungsod ng isang Technical Working Group (TWG) sa pangunguna ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) na binubuo ng mga eksperto para gumawa ng rehabilitation plan. Inumpisahan ng DPWH ang proyekto noong Abril na ipinasa sa isang pribadong contractor ang paggawa na inaasahang matatapos ang inisyal na rehabilitasyon Pebrero ng susunod na taon, subalit sa umusbong na sigalot at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng DPWH at CBAO-TWG ay naantala ang paggawa at maaari pang mabinbin. Tinanggal ng DPWH ang elevator, escalator at mezzanine area sa plano at may ginawang mga pagbabago sa orihinal na plano na walang pahintulot mula sa lungsod na ikinagalit ng ilang councilor at binantaang itigil muna ang trabaho.
Hindi ba mapagkakatiwalaan ang planong ginawa ng mga eksperto ng TWG na binago ng mga eksperto ng DPWH? Hindi ba pare-pareho silang mga eksperto sa kanilang larangan na iisa naman ang pinag-aralan? Wala bang naiba sa mga abogado na iisa ang pinag-aralan subalit iba-iba at minsan magkakasalungat ang interpretasyon sa batas? O gaya rin ng mga tagapag-turo ng ebanghelyo na iba-iba rin ang interpretasyon sa Bibliya bagama’t ito lang ang kanilang basehan sa pagtuturo?
Upang matapos na ang sigalot ay sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na kung ‘walang mali at feasible’ ang ginawa ng TWG ay ito ang masusunod, at kung ‘tama at feasible’ naman ang ginawang pagbabago ng DPWH ay ito ang susundin. Ibig bang sabihin nito na hindi sumailalim sa masusi at maayos na pagpaplano ang ginawang plano ng TWG? Hindi ba pag-aari na ng lungsod ang BCC at dapat lang na ang lungsod ang masunod kahit pa DPWH ang nagpondo sa rehabilitasyon nito?
Nasadlak na ang BCC sa mga anomalya at mismanagement sa nakaraan at ang korapsiyon ay hindi malayong mangyari kung ang pag-aari ng lungsod ay hindi mapapangasiwaan ng maayos, at sa rehabilitasyon ng BCC ay mabago na rin sana ang mga hindi magandang kuwento sa likod nito. Mananatiling primera klaseng pasilidad ang BCC na ikararangal ng lungsod at maliban sa kita ay pasisiglahin pa nito ang turismo – basta ang pamamahala dito ay maayos na pagtimon ng tapat at karapat-dapat na pangangasiwa.                                            PMCJr.

Amianan Balita Ngayon