Kapulisan, lumalala yata ang mantsa?

Bago sa ratsada kuntudo bira, bato-bato sa langit muna, hane? Ang susunod na eksena ay nangangailangan ng gabay ng matitino hindi naka-shabu, ngek! Haayy buhay, parang life, este parang biro sa turing ng ilan lalo na sa hanay ng mga tinaguriang taga-protekta ng buhay at ari-arian – ang mga otoridad, in short – mga park o pulis! Pero teka lang, bago ang mga mantsa, magkula muna tayo sa mga eksena noong bata pa tayo, hane?

*********

Alaala ko noong tayo’y musmos pa lang, laging panakot ni tatay at nanay kapag tayo’y pinapatigil sa pag-iyak: “kapag di ka tumigil diyan, tatawag ako ng pulis!”. Ang aral dine: dapat matakot tayo sa pulis, di ba? Kapag lalaki naman ang panganay na anak ‘baril-barilan’ agad ang unang regalong laruan ng magulang at idolo pa kamo ang mga pulis. Kasi nga naman, sa panahong yon, iniidolo ang mga pulis hindi dahil sa baril na sukbit at unipormeng suot kundi ang buong pagkatao. Noon: kapag may nag-aaway, tumatawag sila ng pulis. Ngayon daw: kapag may away, pulis ang nanggugulo. Noon: kapag may nangangailangan ng tulong sumisigaw ng  “Pulis… saklolo… pulis tulong!!” Ngayon daw: “Tulong!!! May pulis dito!”. In  short, ang matamis na imahe ay unti-unting umanghang. Malaking bakit ang nakabalagbag ngayon sa utak ng mga mamamayan. Anyare? Este, ano bang nangyari? Makukurta ang utak natin kung hahalughugin lahat ng anggulo kasi tunay ngang magulo ang isyu. Tapyasan na lang natin.

**********

Nang maupo bilang pangulo si Pangulong Digong, nahalata agad ng bayan kung gaano ang kanyang pagsaludo sa mga otoridad bilang kaagapay niya sa kanyang mga sinumpaang pangako kontra droga, korapsiyon, krimen at iba pa. Halos nabeybi nga ang mga otoridad (pulis/sundalo) sa suporta. Sa munting eksena na may nasugatan o napatay na otoridad, andun agad ang pangulo kasunod ang mga pangakong benepisyo. Sinundan pa ng dagdag-sahod, doble pa nga yung ibang ranggo. Ganyan ang tiwala ng pangulo sa hanay na ito, pards. Ang matindi pa kamo  pards, laging kambiyo ng pangulo na siya ang sasagip sa mga otoridad na idinadawit sa mga krimen lalo na sa mga banta hinggil sa seguridad kasama na ang droga. In short, ganun kinakabig ni Digong ang mga parak.

**********

Pero unti-unti yatang umasim ang tiwala ni Digong sa mga otoridad nang may mga pagbubulgar na may mga pulis-anay o mga kalawang na sa hanay na ito. Ang masakit, may mga nadadawit na sa krimen lalo na sa illegal na droga. Sa galit ng pangulo, di ba naudlot ang kanyang Oplan Tokhang bagama’t sa himas ng mga pangyayari, muling ibinalik ngunit mas matigas na ang kamao nito kontra sa mga taong dawit sa droga. Naglabas pa nga ang pangulo kamakailan ng listahan ng mga matataas na opisyal na diumano ay mga sangkot sa droga sa ating lipunan. At di siya nagkamali dahil natumbok ang kanilang partisipasyon sa nabuking na shipment o palusutan ng shabu na ikinarga sa anim na magnetic lifters. Noong una, kumbinsido ang pangulo pati na mga opisyal ng Kustom na wala diumanong shabu sa mga lifters na mga yon. Pero matapos ang mga pagsusuri at imbestigasyon, nakukumbinsi na sila na totoo ang mga paratang.Kahit nagmatigas noon ang pamunuan ng Kustom (BOC) medyo lumambot na raw. Pero may hinala ang ilan na baka kunwari lang ang kalambutan. At ang masakit na katotohanan, sa listahan ng pangulong Digong, mga matataas na opisyal ng Kapulisan at Adwana ang nasa likod ng pagpasok at pagpapakalat ng illegal na droga sa bansa. Kaya napapanot na ang mga magigiting na taga-PDEA sa pangangalkal ng mga ebidensiya kontra sa mga ito. Nasa senate custody pa ang isa sa mga suspect na puwede raw gawing state witness upang lalong makalkal ang katotohanan hinggil sa shabu issue. Marami pa ang dapat abangan, pards. Aral: hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Baka may pulis sa likod, ngek! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon