Lalaki, sinaksak habang pauwi

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinaksak ang isang lalaki habang pauwi ito matapos nakipag-inuman bandang 4:30am ng Nobyembre 8, 2018 sa kahabaan ng Leonard Wood Road malapit sa Red Lions Bar, Baguio City.
Kinilala ang biktima na si Clint Subaday, 22 anyos, estudyante at residente ng Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet na natagpuang may saksak sa dibdib ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa imbestigasyon, base sa panayam sa mga kaibigan ng biktima na sina Jamil Martin, 22, residente ng Pico, La Trinidad, Benguet, at Radjih Andres, 22, residente ng Shilan, Benguet, ay sinabi nilang nag-iinuman sila sa Ampersand Bar na matatagpuan sa Leonard Wood at matapos nito ay umuwi ang kanilang kaibigan nang wala silang kaalam-alam.
Ayon kay Martin, nang lumabas siya sa bar upang hanapin ang biktima, nakita niya itong nakahiga sa sidewalk na duguan ang dibdib. Gayundin, isang grupo ng kalalakihan ang nagbato sa kaniya at tumakbo palayo. Dinala nila ang biktima sa malapit na ospital. Naka-confine pa ang biktima kung kaya hindi pa makapanayam dahil sa natamo niyang sugat.
Nagtungo ang mga tauhan ng Police Station 3 sa ospital at nagsagawa ng imbestigasyon at matapos ay nagsagawa ng follow up sa nasabing lugar ng pinangyarihan nang may makita silang ilang nakalagay na CCTV para ma-review.

Amianan Balita Ngayon