Lalaki sinaksak ng gunting

Isang lalaki ang sinaksak ng gunting habang natutulog bandang ika-5 ng umaga noong Enero 1, 2019 sa Purok 23, San Carlos Heights, Irisan, Baguio City. Kinilala ang biktima na si Jesrael Pilawen Heppog, 22, walang asawa, construction worker at nangungupahan sa nasabing lugar. Samantala ay kinilala ang suspek na si Jerickson Palayon, 19, walang asawa, construction worker at nangungupahan sa Purok 24, San Carlos Heights, Baguio City.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nagkaroon ng inuman ang biktima at suspek nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa subalit pinahupa ng mga kasamahang nag-iinuman. Umuwi ang suspek habang ipinagpatuloy ng biktima at mga kasamahan nito ang inuman nang kalauna’y natulog na ang biktima sa kaniyang higaan. Bumalik ang suspek at hinahanap ang biktima at nang malamang natutulog ito ay pumasok ang suspek at sinaksak ang biktima habang natutulog sa kanang bahagi ng katawan gamit ang isang gunting.
Dagliang tumakas ang suspek habang dinala naman ng mga kaibigan ang biktima sa ospital at sumailalim sa operasyon. Isang manhunt operation ang isinasagawa ngayon ng police para sa pagkakaaresto sa suspek.

Amianan Balita Ngayon