Patay na sanggol, nadiskubre sa loob ng eco-bag

Natagpuan ang patay na lalaking sanggol sa loob ng isang eco-green bag na pag-aari ng isang 26 anyos na babae.
Ayon sa ulat ng pulis, dakong ika-2 ng hapon noong Enero 3 nang iulat ng sekyu na si S/G Michael De Castro ng Baguio General Hospital and Medical Center sa Staion 5 ng BCPO ang tungkol sa natagpuang patay na sanggol na kasama ng mga damit sa loob ng eco bag na pag-aari ng isang babaeng call center agent at residente ng Purok 1 Sunny Side Fairview, Baguio City.
Sa imbestigasyon, dakong 8:56am ng naturang araw ay na-admit ang babae sa Emergency Room ng BGHMC dahil sa pananakit ng tiyan at sinuri ni Dr. Nadine Agbalog. Matapos ang eksaminasyon ay nadiskubre ng doktor ang placenta na naiwan sa loob ng obaryo ng babae kaya tinanong ng doktor sa pasyente kung nasaan ang baby.
Sinabi ng pasyente sa doktor na tignan ang kanyang eco bag at dito nila nadiskubre ang walang buhay na sanggol na natatakpan ng brown na tuwalya at nakalagay sa puting plastic bag. Dinala ang sanggol sa morgue ng BGHMC.
Sa panayam sa pasyente, inilahad nito na 11pm ng Enero 2 nang nanganak siya sa tulong ng isang midwife sa San Nicolas, Candon, Ilocos Sur partikular sa bahay ng hipag ng kanyang live-in partner. Matapos manganak ay narinig niya ang pag-iyak ng sanggol na binuhat ng midwife at lumabas sa kuwarto. Pagkalipas ng ilang minuto ay bumalik sa kuwarto ang midwife at diumano ay narinig ng pasyente na sinabi ng midwife na ilalagay ang sanggol sa bag bago tuluyang nawalan ng malay ang pasyente.
Dakong 3am ng Enero 3 nang nagkamalay ito at nagdesisyong magbiyahe patungong Baguio nang hindi tinitignan ang sanggol. Narating niya ang lungsod dakong 8:30am at habang naglalakad sa dako ng Bayanihan ay nakaramdam ito ng matinding pananakit ng tiyan kaya dumiretso ito sa BGHMC.
Ang kaso ay iniimbestigahan pa rin.

Amianan Balita Ngayon