Lasing na natulog sa kalsada, nasagaan ng truck

Dead on arrival sa ospital ang isang lasing na natulog sa kalsada at nasagasaan ng isang truck sa kahabaan ng Ubao, Aguinaldo, Ifugao.
Nakatanggap ng tawag ang PNP hotline ng Aguinaldo police mula kay SPO1 Lachaona na naka-duty noong September 26, 2017 bandang 7:09pm at iniulat ang insidente.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na ang Elf truck na may plakang WER 778 at nakarehistro sa pangalan ni Zenaida Tinimbang ng Talaba, Bacoor, Cavite, ay minamaneho ni Allan Bocan Chawagan, 42, may-asawa, at residente ng Monggayang, Aguinaldo, Ifugao. Ipinarada nito sa kalsada ang truck upang magbaba ng mga baka, ngunit hindi pinatay ang makina ng sasakyan.
Bumababa ang driver upang maghanap ng bato o matigas na bagay na maaaring ipang-kalso, nang diumano’y dahan-dahang umandar pababa ang truck at nasagasaan ang diumano’y lasing na biktimang si Anej-char Bakichan, 30, may-asawa, na natutulog sa gilid ng kalsada.
Nakita diumano ng kasama ni Chawagan na si Dante Binlayan Chinag-a, 45, at residente Monggyang, Aguinaldo, Ifugao, ang insidente kaya humingi ito ng tulong sa mga dumaraan at sa Ubao Patrol base na nasa katabing kalsada.
Ang pinagsamang miyembro ng Ubao Patrol base at concerned citizens ay nagtulungan upang madala ang biktima sa Potia District Hospital para sa agarang lunas ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Ang driver at Elf truck ay nasa kustodiya ng Aguinaldo MPS habang naghihintay na maipila sa korte ang kaso laban sa suspek at para sa tamang disposisyon.
Ang bangkay ng biktima ay nakuha na ng pamilya para sa funeral service.

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon