Lasing, patay sa pagkalunod

Natagpuang patay matapos malunod ang isang lasing bandang 6:30pm ng July 16, 2017 sa Poblacion, Tadian, Mountain Province.
Nakilala ang biktimang si Cris Banban Guidangen, 28 anyos, single, laborer at residente ng Poblacion, Tadian, Mountain Province.
Nakatanggap diumano ang Tadian MPS ng tawag mula kay Ericson Bayawa Agaid bandang 6:30am ng July 17 at ipinaalam ang nakitang lumulutang sa isang fishpond na bangkay na may suot na gray t-shirt at brown corduroy pants.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 6:30pm ng July 16 ay pumunta ang biktima sa isang auto repair shop sa Dogodong, Poblacion, Tadian na pag-aari ni James Simongo Sr. at sumali sa kanilang inuman. Sa pagitan ng 8:30pm at 9pm ng July 16, napansin diumano ng pinsan nitong si Walter Guidangen, kabilang din sa grupong nag-iinuman, na umalis ang biktima sa nasabing shop.
Sa karagdagang imbestigasyon, ang biktima ay aksidenteng nahulog mula sa kalsada papuntang fish pond at tumama ang ulo nito sa nakaambang rehas sa pond. Sa post mortem examination na isinagawa ni Dra. Ruth Ann Sabling Balaoas ng Tadian municipal health office, ang biktima ay namatay sa pagkalunod. Ang katawan ng biktima ay dinala ng mga kaanak sa kaniyang tahanan sa Sitio Katapang, Poblacion, Tadian.

Amianan Balita Ngayon