Limang Tao Patay sa Forest Fire sa Itogon Benguet

BAGUIO CITY – Dahil sa pagkakaingin ng hindi pa nakikilalang suspek ang naging sanhi ng pagkasunog ng mahigit sa anim ektaryang forest mountain habang kasagsagan ang mainit na panahon, na ikinamatay ng apat na forestry personnel at isang residente sa bayan ng Itogon, Benguet, noong Pebrero 20.

Ang nasabing lugar ay nasaskupan ng Philex mining Corporation, isa sa pinakamalaking minahan sa rehiyon ng Cordillera.

Ang limang biktima ang iniulat na nag-responde sa nasusunog na kabundukan, na naganap dakong ala 1:30 ng hapon at naapula lamang ito dakong alas 6:00 ng gabi ng Miyerkoles (Peb 20) sa Sitio Sal-angan, Barangay Ampucao,Itogon,Benguet.

Kinilala ang mga nasawing Philex Foresters na sina Constantino Molina, Noel Dagiyem, Marlon Guiniguin, Dexter Labasan at ang residenteng si Leon Mocate.

Posible umanong namatay ang mga biktima sa suffocation at nakuha ang kanilang mga sunog na katawan sa bahagi ng bundok na nasunog, na umabot sa third alarm.

Napag-alaman na ang storage area ng Forestry Department ng Philex ay nasunog din. Habang isinasagawa ang mopping operations ang mga imbestigador ng fire responders na kinabibilangan ng Philex Fire Brigade, Itogon, Tuba, Baguio Fire Stations, PEZA Fire Brigade, PMA fire brigade at PNP-Tuba, ay inaalam ngayon ng pulisya ang suspek na nagsagawa ng kaingin
umano sa lugar.

Samantala nagpa-abot naman ng pakikiramay ang tanggapan ng Philex Mining Corporation sa pamamagitan ni Engr. Eulalio B. Austin, Chief Executive Officer at President ng Philex Mining Corporation na aniya, “We condole with the families of the bereaved and pray for the souls of our co-employees for their supreme sacrifice in the line of duty,” .

“The cooperation of the whole Padcal community — the employees, students, residents including our friends from Baguio and our host communities, made the big difference in suppressing the forest fire and prevented it from creating further damage to the schools and residences”, dagdag pa ni Austin.

Nagpadala na rin aniya ng tulong ang kanilang kompanya sa mga naulila ng mga biktima ng sunog.

Zaldy Comanda&Kim Nicole Gan/ABN

Amianan Balita Ngayon