Livelihood development program, ikinasa ng Sadanga LGU

SADANGA, MOUNTAIN PROVINCE – Sa kagustuhang pataasin ang mababang estado ng ekonomiya partikular sa mga maliliit na farmer-entrepreneur at empleyadong sumasahod nang mababa ay inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang isang ordinansa na bubuo ng isang Municipal Livelihood Development Program Fund.
Ang Municipal Livelihood Program ay popondohan sa ilalim ng General Fund na may halagang P250,000 at magsisimula ngayong taon.
Ang naturang halaga ay ipapautang sa mababang monthly interest na one percent na kokolektahin at iipunin para sa revolving fund; at isang five percent per annum bilang administrative cost para sa operational expenses ng programa.
Ang uutanging halaga ay babayaran sa loob ng 12 buwan na maaaring monthly, quarterly, semi-annually o annually depende sa klase ng negosyo ng umuutang.
Ang umuutang ay kailangang magbayad sa ikatlong buwan matapos mailabas ang halagang inutang nito.
Ang mga kwalipikadong benipisyaryo ng programa ay kinabibilangan ng local residents-entrepreneurs na may income generating projects na ang minimum capital ay P20,000 at pinatotohanan ng isang depository bank o kooperatiba at kailangang operational sa loob ng tatlong taon; mga nakarehistrong registered organisasyon o asosasyon na may minimum capital na P20,000 na operational nang dalawang taon at may good financial track record; at municipal employees na may sariling livelihood projects.
Ang halagang ipapautang ay pagpapasyahan ng Livelihood Committee base sa kapasidad ng pagbabayad, uri ng livelihood project at sa availability ng pondo at sa pagsang-ayon ng Sangguniang Bayan. JBS/PIA-Mt. Province / ABN

Amianan Balita Ngayon