Lolo, nagbigti sa Mt. Province

Sa hindi malamang dahilan, isang lolo ang nagbigti sa Poblacion, Sadanga, Mt. Province gabi ng September 26, 2017.
Natagpuang patay ang biktimang si Mas-e Chopchopen Tecag, 62, magsasaka, ng kaniyang misis bandang 8:30pm sa kanilang lumang bahay sa Sitio Fangek, Barangay Poblacion.
Ayon sa pulisya, kasama ng biktima ang kaniyang misis at iba pang magsasaka na nanggaling sa bukid at nag-inuman bago umuwi.
Nang makarating ang mag-asawa sa kanilang bahay, tinanong ng biktima ang kaniyang anak na babae kung bakit pinagagalitan nito ang apo ngunit sinagot siya ng anak na hindi niya ito pinagagalitan.
Pagkatapos ng usapan nila, nagpunta ang biktima sa kanilang kuwarto upang magpahinga na nagbibigkas ng masasamang salita, habang abala ang kaniyang misis sa pagluluto.
Makalipas ang isang oras, tinawag ng misis ang biktima upang kumain ngunit tumanggi ito. Nagpunta naman ang misis nito sa kapitbahay.
Makalipas ang ilang sandali, nakarinig diumano ang isa sa kanilang kapitbahay ng boses kung kaya bumalik ang misis sa kanilang bahay ngunit wala doon ang biktima. Nagpunta ang misis sa kanilang lumang bahay at natagpuang nakabitin ang asawa.
Ayon sa ulat, patay na ang biktima nang matanggal ng mga kapitbahay ang taling ginamit nito sa sarili.
Inihayag ng pulisya na walang suicide note na nakita at kasalukuyang naghahanap ng kasagutan kung bakit nito kinitil ang sariling buhay. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon