Magtagumpay tayo na iisa para sa sangkatauhan

Editorial

Ang ginanap na 30th Southeast Asian Games (SEA Games) sa Pilipinas mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019 ay tunay na makasaysayan hindi lamang para sa Pilipinas, sa mga Pilipino kundi sa buong mundo. Ang pagiging punong-abala ng bansa ng SEA Games na ginaganap tuwing dalawang taon ay muntik ng hindi matuloy dahil sa nangyaring giyera sa Marawi at iba pang dahilan gaya ng gusot sa pondo at kakulangan ng panahon sa paghahanda na kung hindi sa kagustuhan at pagpupursige ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi sana tinatamasa ngayon ng Pilipinas at mga Pilipino ang tamis ng tagumpay at masaganang bunga ng mga paghihirap, pagod at sakripisyo.

Makasaysayan ang pagdaraos ng 2019 SEA Games sa bansa dahil sa kabila ng maigsing panahon at problema sa pondo noong una at sa kabila ng mga batikos, puna at pagdududa ng ilan ay matagumpay na nairaos at naipakita ang mas malawak, mas maganda, mas bagong mga pasilidad na tunay ngang maaari na nating ipagyabang na totoong “world class”.

Makasaysayan dahil ng humupa na ang usok ng dalawang-linggong labanan sa iba’t-ibang disiplinang palakasan, sa ikalawang pagkakataon mula noong 2005 ay nakuha ng Team Philippines ang pagiging over-all champion na humakot ng kabuuang 387 medalya, 149 ginto, 117 pilak at 121 tanso at inani ang ikalawang pinakamataas na hakot mula noong 2005 na 112 ginto kung saan naging punong-abala rin ang bansa ng biennial regional sporting meet.

Makasaysayan dahil ang 2019 Southeast Asian Games ay nagpatunay na hindi lamang palabas ng mga kakayahan sa palakasan kundi nasaksihan din natin ang isang pagpapakita ng kabayanihan (heroism), pagka-maginoo sa isport (sportsmanship), pakikipagkaibigan (camaraderie) ng isang mapagpakumbabang surfer na si Roger Casugay kung saan isinantabi ang isang oportunidad na manalo sa surfing competition ng balikan niya ang kalabang Indonesian na si Arip Nurhidayat na nabingit sa peligro sa gitna ng dagat at nalalakihang alon. Umani ng paghanga at papuri mula sa mga taong nakasaksi, sa mga nakaalam ng nangyari at sa social mediaang kaniyang ginawa.

Itinuring na bayani si Casugay ngunit ang mababang-loob na Ilokano surfer ay ayaw tanggapin ito at sinabing hindi naman daw niya talagang tinulungan ang Indonesian sa pagkalunod dahil magaling naman daw itong lumangoy, pinakalma lamang daw niya ito. May kapatiran daw sa surfing at kung may nangangailangan ng tulong ay pupunta ka. Hindi na raw inisip ni Roger ang manalo at ang mahalaga ay kapuwa sila ligtas at ng marating nila ang dalampasigan ay walng pagsidlan ang kanilang tuwa – ngunit iba ang nakita ng mga tao, siya ay isang bayani na may ginintuang puso.

Sa huli ay nasungkit ni Casugay ang kauna-unahang medalyang ginto sa larangan ng surfing. Isang karapat-dapat at napakatamis na tagumpay para sa isang mapagpakumbabang Ilokano surfer na pumukaw sa puso ng marami dahil sa ipinakitang busilak na puso na handang tumulong kaninuman, sa anumang pagkakataon na handang isakripisyo ang sarili para sa iba – isang katangian ng isang tunay na Pilipino.

Muli ay nabalot ang bansa ng mga papuri, nabuhay at naipamalas muli ang espiritu ng bayanihan ng mga Pilipino, naiparamdam ang init ng pagtanggap sa mga bisitang atleta at manonood dahil sa isang kabayanihan ng pagkamaginoo at pakikipagkaibigan na nagtatampok sa hospitalidad ng Pilipino.

Napakaakma ang pahayag ni Indonesian President Jokowi Widodo bilang pasasalamat kay Roger, ‘To win a competition and uphold sportsmanship are important, but humanity is above all,’ Roger Casugay, isa kang huwaran at Mabuhay Ka!