Mahigit 54,000 indibidwal sa Region 1 kasama sa waitlisted ng DSWD

LUNGSOD NG DAGUPAN – Nasa 54,910 na indibidwal mula sa 40 bayan at lungsod sa Region 1 ang kasalukuyang nasa listahan ng “waitlisted” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Regional Director Marcelo Nicomedes Castillo ng DSWD Field Office 1, ang mga nasa waitlisted ay ang mga umapela na hindi naisama sa orihinal na listahan sa unang pamamahagi ng social amelioration program (SAP) subsidy.

“Inientertain pa namin ang mga umaapela dahil meron pa kaming 15 days para makumpleto ang validation kaya kung sa tingin nyo naman po ay kayo ay qualified, pakitext lang po ang inyong pangalan, concern, para po sa validation ay maihabol po naming at maisama po namin sa listahan ng wait listed,” ani Castillo sa panayam sa Kapihan sa Ilocos ng Philippine Information Agency.

Ayon naman kay Director Irene Dumlao, spokesperson ng DSWD, ang listahan ng mga left-out ay kinakailangan na matanggap ng departamento para maipakita na ito ang bilang ng mga kababayan natin na naapektuhan ng community quarantine na dapat bigyan ng tulong.

“Mayroon po tayong hiwalay na pondo para mga waitlisted at tinitiyak ng DSWD na that amount will be given to the local government unit once we have already received the list of beneficiaries included in their waitlisted,” ani Dumlao sa programang Laging Handa Network Briefing ng Presidential Communications Operations Office na napapanood ng live sa lahat ng facebook page ng Philippine Information Agency sa bansa.

Sa DSWD Field Office 1, maaaring tumawag sa mga numerong (072) 888-2184, 687-8000, o magtext sa 0945-8237218 at 0961-548-8850 o magpadala ng mensahe sa facebook page na DSWD Ilocandia o magpadala ng email sa [email protected] para sa mga katanungan o concern ukol sa SAP subsidy.

EMSA/PIA Pang/ABN

Amianan Balita Ngayon