Mahigpit na seguridad, ipapatupad sa 2018 Strawberry Festival

LA TRINIDAD, BENGUET – Tiniyak ng La Trinidad Municipal Police Station na handa na ang puwersa ng pulisya para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng Strawberry Festival sa munisipalidad.
Mas mahigpit na seguridad ang ipapatupad sa munisipalidad upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at mga dadagsang turista at bakasyunista para tunghayan ang pagdiriwang.
Ayon kay Police Chief Inspector Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad police, handa na ang preperasyon ng pulisya para sa pagpapanatili ng kaayusan sa pagdiriwang ng Strawberry Festival.
“Handang-handa na kami lalo na dun sa pagpaplano namin ng daloy ng traffic sa mismong mga event ng Strawberry Festival and syempre yung sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa mga residente at sa mga turista natin kasi isa yun sa priority namin.”
Dagdag pa nya dito na isa ang traffic sa tututukan ng kapulisan dahil ito ang pangunahing nagiging problema sa pagdiriwang ng Strawberry Festival. “Gumagawa na kami ng plan para sa traffic, actually gumawa na kami ng traffic direction guide to be posted next week para dun sa mga motorista na gustong makaiwas sa traffic sa business district.”
Maliban sa pwersa ng pulisya, mayroon pang ibang mga kabalikat ang LTMPS sa pagpapatupad ng seguridad sa buong munisipalidad kabilang dito ang Guardians, Women’s Brigade, BPAT (Barangay Peacekeeping Action Team) at mga interns mula sa iba’t ibang paaralan sa munisipalidad.
Ayon sa LTMPS, magiging malaking tulong ang pagkakaisang ito sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa naturang pagdiriwang.
Inaasahang magdadagsaan ang libo-libong turistang makikisaya sa Strawberry Festival kaya ipinangako ng LTMPS na masisigurado ng mga turista ang seguridad at kauyusan sa munisipalidad.
Ang isang-buwang pagdiriwang ng Strawberry Festival ay magsisimula sa March 9 na magtatagal hanggang March 27. ALLAN LEMUEL C. SUNGA, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon