Sa pangalawang pagkakataon na tatalakayin sana ng Commission on Appointment (CA) ng Senado at Mababang Kapulungan ang kumpirmasyon ni DENR Secretary Regina “Gina” Lopez noong Marso 1, ay muli itong itinakda sa hindi pa ipinahayag na petsa. Naunang na-bypass ang kumpirmasyon ni Lopez noong Nobyembre 2016 – kahit papaano ay nakahinga ng konti ang mga humaharang sa kaniyang kumpirmasyon.
Noong Pebrero 28 ay nasa 700 katao mula sa Lepanto Mines, 400 sa Philex Mines at may isandaan naman mula sa Benguet Corporation ang tumungo sa Kamara upang magpahayag at magpakita ng kanilang pagharang sa kumpirmasyon ni Lopez. Maliit lamang ang kanilang bilang kumpara sa mas nakakaraming pumapabor kay Gina Lopez na pinangunahan pa ng ilang Obispo ng simbahang Katoliko at mga Non-Government Organizations.
Sigaw ng mga kontra kay Lopez ay hindi raw siya karapat-dapat sa departamento dahil wala raw siyang lubos na kaalaman at sapat na karanasang administratibo upang pamunuan ang DENR, dahil sa imbes na sumangguni sa mga eksperto at awtoridad sa departamento ay nakikinig lamang siya sa mga NGOs at simbahan na tuwirang tumututol sa pagmimina. Nagpapakita raw si Lopez ng hindi maitatwang di-makatuwiran at paglaban sa large-scale mining na naglalagay sa kaniya na hindi siya akma at walang-kakayahan para sa responsable, patas, tama at balanseng implementasyon ng Konstitusyon, ng Philippine Mining Act na may kaugnayan sa batas at regulasyon, at kaniyang pagtataguyod sa personal na interes at adbokasya sa ibabaw ng interes ng publiko. At sa kaniyang pagnanais na sirain at pahinain ang industriya ng pagmimina ay minadali niya ang daan sa legal at administratibong proseso, ipinagwalang-bahala ang mga karapatan at di-pinansin ang sanktidad ng mga kontrata sa pagitan ng gobyerno at Mining Contractors.
Kapag tuluyan ng maipasara ang operasyon ng mga minahan ay nasa 650 milyon piso na buwis ang mawawala at bilyong piso ang maipagkakait sa bansa, maliban sa libo-libong mawawalan ng trabaho. Ayon sa ulat ay nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang small-scale miners sa bansa habang nasa 20 porsiyento lamang ang large-scale mining.
Bakit nga ba nakasentro lamang si Lopez sa pagmimina samantalang may pagkakasala rin ang mga malalaking illegal-loggers na siyang kumakalbo sa kagubatan? Maaaring tama rin na ipasara ang ilan subalit huwag naman lahat lalo pa kung ang mga ito tumutugon naman sa mga alituntuning nakasaad sa responsableng pagmimina. Madali nga namang sisihin ang pagmimina sa pagkasira ng kaligiran.
Sa ilalim ng batas, ang mga kompanyang may paglabag ay hindi isinasara agad-agad kundi binibigyan ng panahon na maisaayos ang paglabag na ito. Ang responsableng pagmimina ay pagsunod sa mga batas na kung may nalabag kang isa ay dapat ayusin ito.
Maaari ding repasuhin at amendahan ang Mining Act at pahintulutan lamang ang mga kompanyang may kakayahang panatilihin sa bansa ang mga produkto at magkaroon ng sarili nating planta at huwag ng ibang bansa ang makinabang.
May nauna ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na kung hindi makuha ni Gina Lopez ang kumpirmasyon ngayon ay wala siyang magagawa kundi pakawalan niya ito. Subalit salita lamang ito na maaaring mabago at may pangyayari sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo na halos sampung beses na hindi nakumpirma ang itinalaga niya sa kaniyang gabinete at sampung beses din niyang itinalaga ito na humaba ang panunungkulangan kahit “interim” lamang.
Makumpirma man o hindi si Lopez ay sa bandang huli babagsak din sa kamay ni Pangulong Duterte ang huling pagpapasiya. Pmcjr.
March 4, 2017
March 4, 2017
September 29, 2024
September 20, 2024
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024