PAOAY, ILOCOS NORTE – Pinaalis ng Ombudsman sa pwesto si Paoay Mayor Jessie Galano bunsod ng isang administratibong paglabag na ginawa nito noong bise mayor pa lamang.
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang permanenteng pagkaalis sa karapatan ni Galano na tumakbo para sa anumang posisyon sa gobyerno maliban sa pagpapatalsik sa kasalukuyan nitong pwestong pagka-mayor.
Ito ay matapos na nalaman ng Ombudsman na pinirmahan ni Galano, noong bise mayor pa lamang ito, ang travel order ng noon ay town councilor Bruno Dumlao sa kabila ng hindi naman pagpunta ng huli sa isinaad na official travel.
Napatunayan na si Galano ay nagkasala sa kasong grave misconduct habang si Dumlao ay nagkasala sa apat na administratibong kaso na serious dishonesty, grave misconduct, paglabag sa section 60(d) ng Republic Act 7160 at conduct prejudicial to the best interest of the public service.
Parehong parusa ang ipinataw ng Ombudsman kina Dumlao at Galano na pagpapaalis sa pwesto sa gobyerno, kalakip ng accessory penalties na pagkansela ng eligibility, pagpapawalang bisa ng kanilang retirement benefits, pagbabawal na kumuha ng civil service examination at permanenteng disqualification na maging empleyado ng gobyerno.
Ang dismissal order ng Ombudsman ay inihain ng interior department noong Hunyo 13 kasabay ng pagtatalaga kay Vice Mayor Eileen Llaguno-Guerrero bilang bagong mayor ng bayan.
Bagaman tinanggap ni Galano ang order ng Ombudsman ay inireklamo nito na masyadong malupit ang ipinataw na parusa at nangakong magpipila ng motion for reconsideration.
Si Dumlao ay nananatiling tahimik tungkol sa desisyon ng Ombudsman sa kanyang kaso.
Ang kasong administratibo kontra kina Galano at Dumlao ay nagmula sa reklamo ni dating Paoay town mayor Dolores Clemente na natalo kay Galano sa halalan noong 2016. A.ALEGRE / ABN
June 16, 2018
June 16, 2018
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024