Mga delinkwenteng bar sa Bangued, ipinasasara

BANGUED, ABRA – Pinapalayas na ng pamahalaang lokal ang mga maiingay na videoke bars at pubs sa mga lugar na maraming nakatira.
Tinatayang mahigit 12 bars na nasa gitna ng mga barangay na maraming residenteng naninirahan ang permanenteng ipinasara ni Bangued Mayor Dominic Valera sa pamamagitan ng cease and desist order, na pangatlong abiso na ng pamahalaang lokal sa mga bar owners.
Ayon sa Bangued local government, ang videoke bars owners ay hindi sumusunod sa mga patakaran batay sa Municipal Ordinance number 69. Series of 2018 (An ordinance requiring all disco pubs to transfer to barangay Calaba which will be officially named as Bangued Entertainment Center).
Isang inspection team ng Bangued local government ang nag-ikot sa mga barangay at napansin na lahat ng videoke bars at pubs na dating nasa mga barangay ay naka-padlock.
Ayon kay Mayor Valera, ang mga bar business owners ay mabibigyan lamang ng business permits kapag lumipat ang mga ito sa Bangued Entertainment Center sa Calaba.
Samantala, ang mga business owners na kumuha ng business permits bago ang Enero 10 ay nakakuha ng 10 percent discount.
Ayon kay Edgar Viado ng Business Permit and Licensing Office ng Bangued LGU, ang mga business at tricycle operators ay maaaring mag-renew ng permit hanggang Enero 20.
Sa computerized at systematized procedures ng Bangued LGU at sa partisipasyon ng iba pang government agencies, ang mga business owners ay magkakaroon ng mas mabilis at maginhawang pagpoproseso ng kanilang requirements, pangako ni Viado.
A.ALEGRE/ABN

Amianan Balita Ngayon