BLISTT Development Authority malapit na sa katotohanan

Mukhang malaki ang nakikitang pag-asa ng mga tagasulong na magkaroon ng Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay (BLISTT) Development Authority matapos ang mariing pahayag ni Senator Richard Gordon na “pagagalawin niya ang lupa at langit” maipasa lamang ang Senate Bill 1692 at pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang 17th Congress sa nakaraang public hearing ng government corporations and public enterprises committee ng Senado na pinamumunuan ni Gordon sa lungsod noong Enero 4, 2019.
Bagama’t nagpahayag ng suporta ang mga mayor ng BLISTT sa panukalang batas ay nanawagan sila ng mga pagsusog sa Senate Bill 1692 na iniakda ni Senator Ralph Recto na layong lumikha ng isang development authority para sa BLISTT bilang counterpart ng panukalang batas HB 6974 na ipinila ni Congressman Mark Go sa Kongreso.
Ayaw nila at hindi sang-ayon sa maraming probisyon sa panukalang batas gaya ng isang awtoridad na isa namang bureaucracy. Hiniling din ng mga mayor kay Congressman Mark Go na tukuyin nang maigi ang papel ng BLISTTDA sa local government units at line agencies upang hindi magkaroon ng overlapping sa trabaho.
Ipinagdiinan ni Mayor Mauricio Domogan na siyang kasalukuyang namumuno sa BLISTT Development Council na nais ng mga mayor ng legal personality ng authority para sa koordinasyon sa mga line agencies at local government units na nasasakupan ng BLISTT area. Nais din ng anim na mayor ng BLISTT na isang governing council na binubuo ng mga nahalal na mayor mula sa BLISTT at sila-sila ang maghahalal ng chairman at hindi ang itatalaga ng Presidente na siyang may awtoridad sa paglutas ng mga isyu at tukuyin ang development programs at proyekto na may konsultayson sa local government units. Hindi daw dapat mahimasukan ang pondo sa mga proyektong pinondohan ng mga line agencies. Magtatalaga ng isang career-service eligible Administrator na siyang, kasama ang kaniyang staff, ay magiging responsable sa koordinasyon at monitoring ng mga programa at proyekto ng BLISTT. Aatasan din ng council ang NEDA-CAR bilang Council Secretariat at magsumite ng estimate sa initial annual operational cost ng BLISTTDA.
Sa kabila nito, bagaman umaasa rin si Benguet Governor Crescencio Pacalso na maipapasa sa Senado ang BLISTTDA ay may duda siya kung makikinabang ang buong probinsiya mula dito. Sa oras na maaprubahan ito at may pondo ay marahil makakatulong ito subalit kailangan daw makita na ang development ay para sa BLISTT at hindi lamang sa Baguio.
Matatandaang naitatag ang BLISTT matapos ang mapaminsalang lindol noong 1990 na walang governing body. Sa ilalim ng panukalang batas ang BLISTTDA ay gaganap bilang management, may regulatory at supervisory authority at kasama ang mga serbisyo ng development planning, urban renewal, land use planning and housing and shelter formulation, transport at traffic management, solid waste disposal and management, flood control and sewerage management, water resource system, health and sanitation, pollution control at public safety and order.
Dapat tingnan ang BLISTT bilang pakinabang sa lahat at hindi lamang sa iisang lokal na pamahalaan dahil ang lahat ng local government na bumubuo sa growth area ay makakakuha ng kanilang bahagi sa development sa oras na ang BLISTTDA ay aarangkada na. Ang BLISTT-area development at investment plans para sa turismo, agrikultura, responsableng pagmimina, edukasyon, information technology, transportasyon, kapaligiran, sanitasyon, serbisyo sa kalusugan at retirement ay maaaring maipatupad sa panukalang development authority. Ang BLISTT ay isa sa dalawang primary growth centers sa rehiyon kasama ang Tabuk, Tanudan, Rizal, at Pinukpuk (TTRiP) sa silangang Kalinga na nakasaad sa Regional Development Plan 2017-2022.
Subalit dapat malinis nang husto at magkasundo sa lahat ng pagbabago sa mga probisyon ng panukalang batas upang tunay na makamit ang short, medium at long range development plans sa BLISTT area na lahat ay makikinabang nang husto.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon