Miyembro ng CAFGU, ginahasa ang stepdaughter

LUNGSOD NG BAGUIO – Inireklamo ang isang 46-anyos na government militiaman dahil sa diumano ay panggagahasa sa kanyang 27-anyos na stepdaughter sa bayan ng Calanasan, Apayao.
Sa ulat ng pulis, ang inireklamo ay si Silyano Ubbec Gayang, miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), na diumano ay sekswal na umabuso kay “Carol” sa mismong bahay ng mga ito, dakong ika-5 ng hapon noong 29 Mayo 2017 sa sitio Pulot, Butao, Calanasan.
Bago naganap ang pang-aabuso ay nagpunta sina Carol, kanyang inang si Gayang at mga kapatid sa Centro Butao, Calanasan upang makipiyesta.
Nagdesisyon ang mga ito na umuwi dakong 5pm ngunit dumaan muna upang magkape sa lolo ng biktima.
Matapos ang ilang sandali ay nagpaalam si Carol sa kanyang ina na uuwi muna ito sa kanilang bahay upang magbihis.
Habang ang biktima ay nagbibihis sa loob ng kanyang kuwarto ay bigla umanong nagpakita ang suspek at sapilitang inalis ang underwear ng biktima bago ito ginahasa.
Sinabi ng pulis na ayon sa kanilang imbestigasyon, nanlaban ang biktima ngunit sinupil ito ng suspek na nagbabala pang huwag magsusumbong ang biktima sa nanay niya bago ito iniwan sa kuwarto.
Ang panggagahasa ay iniulat ng biktima at ina nito sa himpilan ng Calanasan police matapos ang tatlong araw.
Ang biktima ay naunang dinala sa Apayao District Hospital and Rural Health Unit para sa medical examination ngunit kalaunan ay isinangguni sa Calanasan social welfare and development officer para sa case study dahil walang government physician na available sa naturang ospital. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon