Namatay sa dengue sa Cordillera, umabot na sa lima

Hinigpitan pa ng Department of Health-Cordillera (DOH-CAR) ang pagbabantay sa kaso ng dengue sa rehiyon matapos na umabot na sa limang katao ang namatay sa sakit at tumaas ng mahigit 100 porsyento ang tinamaan ng dengue mula Enero 2018.
Sa datos ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), ang mahigit 1,500 na tinamaan ng dengue dito sa rehiyon sa loob ng anim na buwan ay dobleng bilang sa mahigit 700 na naitala sa loob rin ng nasabing buwan noong nakaraang taon.
Nakakakita naman ng posibilidad ang ahensiya na mas lalo pang tataas ang bilang ng mga biktima ng dengue sa mga darating na buwan.
Ayon kay Geeny Anne Austria, nurse ng DOH-RESU, sa limang katao na naitalang patay dahil sa naturang sakit ay apat ang tubong Cordillera at isa ang dayo.
Dagdag pa niya na kinakailangan ng dobleng pag-iingat upang mapigilan ang mabilis na pagkalat at pagtaas ng bilang ng mga natatamaan ng ganitong sakit lalo na ngayong tag-ulan. Upang makaiwas naman sa dengue ay pinaalalahanan niya ang mga tao na kailangang panatilihing malinis ang kapaligiran lalo na sa tahanan dahil madalas na pamugaran ng mga lamok na naghahatid ng dengue ang mga hindi nalilinisang sulok kung saan naiimbak ang mga tubig ulan.
Ilan naman sa sintomas ng pagkakaroon ng dengue ay ang biglaang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng mga kasu-kasuan, pagduduwal at pamamantal ng balat. Kaya kapag nakaranas ng ilan sa mga sintomas ay mainam na kumunsulta agad sa doktor. BREN ANTONETTE C. EMBESAN, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon