Asawa ng kinidnap sa Libya, umaapela kay Duterte

Umapela at malaki ang tiwala ni Reena (hindi tunay na panagalan), na makakauwing buhay ang kanyang asawa sa tulong ng pamahalaan, lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte, para mapalaya ang apat na bihag mula sa kamay ng mga militanteng grupo sa bansang Libya.
Si Erick Rivera,46, ay isa sa tatlong Filipino na dinukot, kasama at isang South Korean national, noong Hulyo 6, sa loob ng kanilang construction site water project sa Jabal Hasouna MMRA Camp, may 500 kilometro sa capital town ng Tripoli, Libya.
Naikalat sa social media ang video sa pamamagitan ng SITE intelligence group, noong Agosto 1, na ang apat na biktima ay umaapela na tulungan sila, habang sa background ay may nakabantay na armadong lalaki na kuha sa isang disyerto.
“Noong July 5 naka-online siya sa facebook pero hindi ko nasagot at noong July 6 nag-online ako pero hindi naka-open sa messenger niya, pero nag-message pa rin ako, pero hindi na siya sumasagot sa buong araw na iyon. Nang mag-open ulit ako ng facebook ko, nakita sa Libyan Observer na may naka-post na tatlong Filipino at isang South Korean na nakidnap doon sa work site ng asawa ko,” kuwento ni Reena.
Ayon kay Reena, mula noon kinabahan na siya at hindi mapakali, kaya kinontak niya ang Al Nahr Co.Ltd. para alamin ang kalagayan ni Erick at sinabihan siyang nasa maayos na kalagayan ito.
“Sa pakiramdam ko ay hindi nila sinasabi ang totoo, dahil walang sinasayang na oras ang asawa sa pagtawag sa amin araw-araw kapag bakante ito sa trabaho. Pati mga anak nagtatanong na sa akin dahil wala na silang kontak sa ama nila.”
Si Erick ay dating technician ng Mountain View Cable communication at may tatlong anak, na ang bunso ay anim na taong gulang. Nag-abroad siya para mapagtapos ang panganay na anak sa pag-aaral.
Apat na taon siya sa Libya bago nakauwi noong Abril 30,2018 at nagpasyang bumalik noong Hunyo 21 at sinabing isang taon lang siya doon para makaipon ng panggastos sa pagtatapos sa pag-aaral ng mga anak.
Nabatid na Hulyo 3 ang kaarawan ni Erick at masaya itong nakikipag-usap sa video call ng kanyang pamilya.
Ayon kay Reena, balisang-balisa siya at hindi na nakakatulog sa paglipas ng mga araw na wala siyang impormasyon sa kalagayan ng kanyang asawa. Noong Hulyo 9 nang tawagan umano siya ng DFA at pinayuhan na maging kampante, dahil buhay ang mga bihag at ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para mapalaya ito nang ligtas.
“Malaki ang tiwala ko sa ating pamahalaan at malaki ang pag-asa namin na gagawin nila ang lahat para sa kaligtasan ng mga bihag, dahil sila lamang ang makakatulong sa amin at wala nang iba,” pahayag ni Reena.
Ikinuwento rin ni Reena ang panaginip ng kanyang anak na nagpalakas ng kanyang loob na buhay ang kanyang asawa. “Mama nakita ko si Papa sa panaginip ko, kinuha sila Papa sa trabaho nila, pagkatapos isinakay sa trak at dinala sa malaking gate na naka-padlock may hagdanan pababa, nandon itinago sila Papa na pinapanood lamang ng mga kidnaper”.
Pinabulaanan din ni Reena na undocumented ang work abroad ng asawa, dahil kompleto ito ng mga papeles at naipaalam na niya sa OWWA ang sitwasyon para matulungan sila.
“Hiling ko sa ating pamahalaan na mapauwi nila nang ligtas ang aking asawa, kahit maghirap kami. Sa sitwasyon namin ngayon ay pinagsabihan ko ang panganay ko na mag-stop muna sa pag-aaral, dahil mahalaga na makauwi ang kanilang Papa,” dugtong pa ni Reena. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon