Oplan Double Barrel Reloaded, ikinasa na

Nag-umpisa na ring kumilos ang grupo ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Baguio City Police Office (BCPO) para sa pagbabalik-operasyon kontra ilegal na droga mula nang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang Oplan Double Barrel Reloaded noong nakaraang linggo.
Mula nang aksyonan ito ng mga kapulisan, mayroon nang naitalang 10 na nahuli sa lungsod ng Baguio.
Anim sa mga nahuli ay drug pushers na nadakip mula sa Naguillan Road, Marcos Highway, Fort Del Pilar at Legarda Road. Habang ang apat naman ay drug users na nadakip mula sa Quezon Hill, Military Cut-Off, Padis Point at Leonard Wood Road.
Kasabay ng Oplan Double Barrel Reloaded, bumuo rin ng bagong grupo ang mga kapulisan. Kung ang dating grupong humahawak sa bawat operasyon kontra illegal na droga ay tinatawag na Anti-illegal Drug Unit (AIDU), ngayon naman ay Drug Enforcement Unit (DEU) na ito.
“Actually wala namang masyadong pagkakaiba yun kasi ang natanggal lang dun ngayon yung sa Tokhang na pinapa-surrender yung mga drug personalities. Ngayon, we are more focused sa buy-bust operation tsaka sa application ng search warrant para mahuli namin yung drug personalities unlike before na may kasama pang house visitations,” ani Police Chief Inspector (PCI) Nicomedes Angel Olarte III, action officer ng DEU-BCPO.
Dagdag pa niya, “Pareho rin, pero medyo nabawasan yung strategy, nawala yung pagkatok-katok pero kino-conduct pa rin yun sa barangay level na.”
Para kay Olarte, epektibo naman ang pagbabalik ng kampanya kontra illegal na droga sapagkat mayroon naman silang nahuhuli sa kanilang bawat operasyon. Melanie Z. Dela Cruz, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon