NYC, handa na sa national convention sa Davao

Nakahanda na ang National Youth Commission (NYC) para sa taunang Regional Youth Advisory Council (RYAC) National Convention sa darating na Marso 22-24, 2017, sa Waterfront Insular Hotel, J.P. Laurel, Lanang, Davao City.
Layunin ng pambansang convention na pag-isahin ang iba’t ibang alyansang pangkabataan at gumawa ng estratehiya at pagpapalawig sa CY 2016 kaugnay ng mga plataporma sa Youth Organization Registration Program (YORP), Youth Hub and Youth Fair, pati na ang Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Dadaluhan ito ng lahat ng ahensya sa iba’t ibang dako ng Pilipinas upang pag-usapan ang mga panukala hinggil sa usaping pangkabataan na maaaring maipasa at maamyendahan ng gobyerno.
“Lahat ng agencies, lahat ng representatives sa lahat ng regions ay maghaharap sa isang event para mag-formulate ng policies, programs, at services for the youth na ikino-consolidate nila at isina-submit sa congress,” ani NYC Area Officer Rose Chelle Anne Rojas.
Dagdag pa ni Rojas, ang Cordillera Region na inaasahang lalahok sa pagtitipon ay ang kaisa-isang rehiyon sa bansa na mangangatawan para sa Youth Friendly Award para sa mga Youth Friendly cities, municipalities, at regions na maaaring magamit sa pambansang antas.
“Sila actually yung pioneer [Cordillera Region], sila yung nag-put up ng idea na ‘bakit kaya hindi tayo magkaroon ng Youth Friendly Award, then i-explain natin sa convention kung paano yung mechanics,’” ani Rojas.
Ang NYC ang tanging tagapangasiwa ng polisiya ukol sa usaping pangkabataan at sa pagbubuklod at paggawa ng mga programa na makakatutulong sa progreso ng kabataang Pilipino. Ang RYAC naman ay sangay ng NYC sa pagsasa-lokal ng mga polisiya at pagbabantay nito na may adhikaing pagtibayin ang mga ahensya ng bansa at bumuo ng isang konseho na tumutugon sa pangangailangan ng kabataan.
Tatalakayin ang Youth Friendly Award at iba pang kaugnay na paksa sa pagpupulong na gagawin ng NYC-CAR sa NEDA-CAR, na pangungunahan ni NYC Commissioner Percival Cendana. Wendell L. Roque, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon