Overpricing sa ikinakalakal sa mga turista, tinututukan sa Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Kasabay ng long weekends at summer vacation na kaakibat ang pagdagsa ng mga turista sa lungsod ay umiral ang pangamba ng lokal na pamahalaan na samantalain ito ng mga negosyante para biglang taasan ang presyo ng kanilang mga produkto.
Tinututukan ng committee on tourism sa konseho ng lungsod ang mga establisimyento na nagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo partikular na sa mga tourist destinations na kadalasang pinupuntahan ng mga turistang namamasyal sa lungsod.
Ikinabahala din ng komite ang epekto na maaaring maging imahe ng Baguio City sa mga turista kung magpapatuloy ang overpricing ng mga ito.
Ayon sa negosyanteng si Alvin Lim, hindi naman overpricing ang mga produkto at serbisyo nila, “I think hindi overpriced yung mga benta namin and iniisip naman naming mga negosyante syempre yung sa pricing namin depende doon sa quality nung binibenta namin at ganon na din syempre sa serbisyo namin”.
Marami sa mga establisimyento ang nagtaas ng mga presyo ng kanilang produkto dahil nagtataas din ang presyo ng mga bilihin sa palengke.
Ayon sa vendor na si Almira Aromin, “Kapag mataas talaga yung bilihin din sa palengke syempre magtataas din kami ng presyo lalo na pag peak season kasi dun talaga mahal ang bilihin kasi kung hindi kami magmamahal kami yung lugi”.
Nakiusap naman ng lokal na pamahalaan sa mga negosyante na huwag naman sanang abusuhin ang pagdagsa ng mga turista sa lungsod lalo na’t mas lumalago ang turismo sa lungsod.
Ayon kay Sangguniang Panlungsod Committee on Tourism Special Events, Parks and Playgrounds Councilor Elmer Datuin, “nakikiusap tayo sa ating mga vendors dito sa Baguio na sana wag silang mag-take advantage sa ating mga bisita dito sa Baguio para mapanatili din natin yung paglago ng ating turismo”.
Payo naman ng Consumer Protection Division ng Department of Trade and Industry sa mga consumer lalo na sa mga turistang bibisita sa Baguio na maging matalino sa pamamasyal lalo na sa paggastos ng pera. Allan Lemuel C. Sunga, contributor

Latest News

Amianan Balita Ngayon