1 patay, 2 sugatan sa away sa bar sa Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Patay ang isang 25 anyos na binata habang nasugatan naman ang dalawa pa nitong kasama matapos pagsasaksakin ang mga ito ng di pa nakikilalang mga suspek nang nagkainitan ang mga ito sa loob ng isang bar sa lungsod, maghahatinggabi ng Marso 25.
Kinilala ng awtoridad ang nasawi na si Raymart Sanchez Torres, construction worker, at residente ng Lower Cabinet Hill, Baguio City, habang sugatan naman sina Restlee Agsaoay Maglaya, 23, dalaga, at residente ng Tocmo, Loakan, Itogon, Benguet, at si Fernando Sanchez Torres, 28, binata, construction worker, at residente ng Lower Cabinet Hill, Baguio City.
Sa inisyal na pagsusuri ng mga pulis ay lumabas na magkatabi ang mga mesa ng mga biktima, na may dalawa pang kasama, at grupo ng mga suspek sa loob ng Wheels Grill Bar sa Upper Session Road, nang nagkainitan ang dalawang grupo sa hindi malamang dahilan.
Sinubukan ni Maglaya na payapain ang kanyang mga kasama at ang grupo ng mga suspek ngunit nagpatuloy ang mga ito sa pagtatalo sa labas ng bar hanggang sa humantong ito sa pag-aaway.
Isa sa grupo ng mga suspek ang naglabas ng matulis na bagay at pinagsasaksak ang mga biktima.
Ang nakakabatang Torres ay nagtamo ng multiple stabbed wounds sa pang-itaas na bahagi ng katawan nito at idineklarang patay na, dakong 1am ng Marso 26, ng attending physician nitong si Dr. Oscar Halun Jr.
Nasugatan naman sa kaliwang hita si Maglaya at naka-confine sa Baguio General Hospital habang ang nakatatandang Torres ay nakalabas na ng ospital matapos malapatan ng lunas ang mga sugat nito sa kanang bahagi ng katawan at tiyan.
Ang dalawang kasama ng mga biktima na kinilalang sina Rolly Solis Lalata at Jeff Mislang Santos ang nagdala sa mga ito sa ospital.
Ang mga suspek ay agad tumakas pagkatapos ng insidente.
Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng mga pulis ang pangyayari. ABN

Amianan Balita Ngayon