P100,000 ari-arian, nasunog sa Bakakeng

Bahagyang nasunog ang isang two-storey residential house sa 120 Pinewood Street, Crystal Cave, Bakakeng Central, Baguio City na pag-aari ni Wahab Manan Macalangan, 44, may-asawa, at negosyante, bandang 1:30pm ng July 25, 2017.
Sa panayam kay Tyron Calauto Cabantas, nasa legal na edad, sinabi nitong kasama niya ang kaniyang mga kaibigan malapit sa lugar ng insidente nang makarinig sila ng pagsabog at nakita ang usok mula sa unang palapag ng bahay kaya tumawag na sila sa Baguio Fire Department.
Sinabi naman ng may-ari ng bahay na bandang 7:30am ng parehong araw, umalis sila ng bahay upang ihatid ang kaniyang mga anak sa eskwelahan at diretso sa kanilang negosyo sa Center Mall. Sinabi pa niya na inalis niya lahat ng nakasaksak na electrical appliances at wala diumano kuryente nang umalis sila.
Idineklarang fire out bandang 2:10pm ng parehong araw ng mga rumespondeng personnel ng Baguio Fire Department sa pangunguna ni FInsp Hesus Yango, at tinatayang nasa P100,000 ang nasira sa sunog.

Amianan Balita Ngayon