P3 dagdag pasahe sa tricycle sa Batac City aprubado

LUNGSOD NG BATAC, Ilocos Norte – Dahil umano sa pagtaas ng presyo ng langis at tumataas na halaga ng motorcycle spare parts ay kailangang pagtiisan ng mga mananakay sa lungsod na ito ang dagdag pasahe na P3 sa kasalukuyang P11 na pamasahe.
Nitong nakaraang Lunes (Enero 7) ay inaprubahan na ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa na nag-aatas ng bagong fare rates para sa tricycle-for-hire sa lungsod ng Batac.
Humiling ang Batac Tricycle Operators and Drivers Association (BATODA) ng P14 minimum fare para sa unang 1.5 km at karagdagang P1 para sa bawat susunod na kilometro.
Ang pamasahe ng mga estudyante ay itinakda sa P12.50 para sa unang kilometro at P1 para sa bawat susunod na kilometro.
Bilang iniaatas ng batas ay patuloy na makikinabang ang senior citizens at persons with disabilities ng 20 porsiyentong diskuwento sa regular na pasahe subalit kailangang magpakita sila ng awtorisadong identification cards.
Kaugnay nito ay sinabi ni Batac City Mayor Albert Chua na ang bagong dagdag pasahe ay ipapatupad kaagad matapos aprubahan ang ordinansa.
Gayunman ay binalaan ang mga tricycle drivers at operators na iwasan ang paniningil nang sobra sa kanilang mga pasahero para maiwasan ang multa.
Sa ilalim ng Ordinance No. 4SP 2018-18 ang mga lumalabag ay magmumulta ng P200 hanggang P600 at posibleng tatlong buwan na suspensiyon ng kanilang motorized tricycle operator’s permit para ikatlo at susunod na paglabag.
Maalala na noong Nobyembre 22, 2018 ay nagsagawa ng public consultation ang committee on laws ng Sangguniang Panglungsod kung saan dumalo ang mga tricycle drivers at operators, mga estudyante at iba pang kinauukulang partido.
Samantala ay humihiling din ang mga tricycle drivers sa Laoag City ng karagdagang P4 na basic fare rates sa P15, at P2 kada susunod na kilometro mula sa kasalukuyang P1.
Ang panukalang fare adjustment sa Laoag ay kasalukuyang nirerepaso para sa konsiderasyon.
Huling nagtaas ng pamasahe ang pamahalaang lungsod ng Laoag noong 2011 sa pamamagitan ng City Ordinance 2011-077 na nagtaas sa basic fare rates mula P8 sa P11.
L.ADRIANO, PNA/PMCJr, ABN

Amianan Balita Ngayon