P600,000 halaga ng marijuana, nasabat sa Mt. Province

LA TRINDIAD, BENGUET – Kunwaring operasyon ng police ang nagbunga ng totoong paghuli.
Mahigit sa kalahating milyong piso na halaga ng marijuana bricks ang nakumpiska ng mga pulis sa isang simulation exercises mula sa dalawang katao sa Sitio Latang, Lower Caluttit, Bontoc, Mt. Province, hapon ng Biyernes, Oktubre 20.
Ang nasabing marijuana bricks ay nagkakahalaga ng P601,100 ang nahuli kina Mark Justin Jemilla Dayrit, 22’ at Bob Bruce Dionisio Jr., 22’ parehong mula sa Sitio Dau, Mabalacat, Pampanga at dinala sa isang korte sa Mt. Province para sa interogasyon at pagpila ng kaukulang kaso.
Nagsasagawa ng simulation exercises ang mga police ng 1st Maneuver Platoon ng Mt. Province Provincial Public Safety Company (PPSC) sa isang checkpoint sa kahabaan ng national road at pinara ang isang pulang Isuzu Crosswind na may plakang XEL-162 na minamaneho ni Dayrit sakay si Dionisio Jr.
Napansin ng mga pulis na may nakausling marijuana brick sa sandalan ng unahang upuan na agad nilang iniutos sa dalawa upang buksan ang kanilang mga bag.
May kabuuang anim na marijuana bricks na may timbang na humigit-kumulang 6.11 kilo ang nakuha.
Binigyang-pugay ni Cordillera Police Director Chief Supt. Elmo Sarona ang mga pulis dahil sa pagkakasabat ng ipinagbabawal na dahon at hinikayat ang lahat ng pulis sa rehiyon na maging mapagmasid at maging visible sa lahat ng pagkakataon upang mahadlangan ang mga aktibidad ng illegal na droga at maaresto ang mga kriminal.
Ito ay sa kabila ng paglilipat ng anti-drug war sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ngayon ay tumututok ang kapulisan sa riding-in-tandem criminals at iba pang street crimes sa buong bansa. PMCJR./ ARTEMIO A. DUMLAO

Amianan Balita Ngayon