Pagkansela ng klase sa lungsod, muling niliwanag ng mayor

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa gitna ng nararanasang matinding pag-ulan na dulot ng habagat at maging ng mga magkakasunod na bagyo na dumaan sa bansa at nanalanta sa hilagang Luzon ay sinusubukan pa ring payapain ng mayor ang hindi mapawi-pawing usapin sa pagkansela ng klase sa lungsod.
Unang inaabangan ng mga magulang at mga estudyante sa iba’t ibang antas ang anunsiyo sa pagkakansela ng mga klase, upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral. Ang pasiya sa pagkakansela ng klase ay madalas na nanggagaling sa pamahalaang lokal kaya naman nagbigay ng pahayag si Mayor Mauricio Domogan ukol dito.
Ayon sa kaniya hindi basta-bastang magkansela ng klase lalo na kapag walang naideklarang typhoon signal sa lungsod.
Katuwiran ng mayor na kung minsan ay hindi tumutugma ang ibang impormasyong nanggagaling sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) katulad ng pagkakaroon ng malakas na pag-ulan ngunit maaraw naman ang panahon.
Ayon pa sa kaniya mayroong oras alinsunod sa patakaran ng Department of Education (Deped) na ang pag-anunsiyo ng suspension of classes ay hindi na lalagpas ng 4:30 ng umaga. Hindi umano nila magawang mag-anunsiyo nang mas maaga pa dahil sa mabilis na pagbabago ng panahon.
Dagdag pa ng mayor na humihingi sila ng pagtatasa mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) maliban sa monitoring upang maging basehan ng pag-kansela ng klase.
Bukod pa rito ay isinasaalang-alang din ang pagkakaroon ng make-up classes ng mga estudyante tuwing Sabado para sa bawat araw na nakakansela ang kanilang klase.
Nakasaad sa Executive Order 66, series of 2012 ng DepEd, awtomatikong walang pasok ang pre-school at kindergarten sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan kapag signal no.1, kasama naman ang elementarya at sekundarya sa mga kanseladong klase kapag tumaas ito sa signal no.2 at wala nang pasok sa lahat ng DepEd offices kapag tumaas pa ito sa signal no. 3. BREN ANTONETTE C. EMBESAN, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon