Usapan ng Baguio at Itogon ukol sa ESL, inaabangan

LUNGSOD NG BAGUIO – Umaasa pa rin ang pamahalaang lokal ng lungsod na magaganap ang matagal nang hinihintay na dayalogo sa pagitan ng mga lokal na opisyal ng Baguio at Itogon upang ayusin ang anumang gusot para sa planong pagtatayo ng solid waste disposal facility sa pag-aari ng Benguet Corporation (BC).
Muling iginiit ni Mayor Mauricio G. Domogan ang kaniyang planong makipag-usap kay Itogon Mayor Victorio Palangdan kahit saan at kahit kailan para sa naturang isyu.
Ang proyekto ay inaasahang magiging tugon sa problema sa basura hindi lamang ng lungsod kundi sa buong Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay (BLISTT) area.
“We want Itogon officials to raise their issues and concerns in the proper forum so that the concerned government agencies and the city government will be able to satisfactorily respond to them. We also want to know their demands, whether or not it will be realistic, so that we will be able to discuss with them the way to go with the project so as to save on time, effort and resources of people involved in the matter,” giit ni Domogan.
Si Palangdan ay hindi nakadalo sa mga naunang pagpupulong ngunit sinabi ni Domogan na nakahanda ang buong grupo na kasali sa pagpaplano sa naturang proyekto na kinabibilangan ng mga kinatawan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at ng BC na puntahan ang mayor ng Itogon sa tanggapan nito kung ito ang nais ng opisyal.
Nauna rito, ibinigay ng BC sa Baguio ang 24.11ektarya ng pag-aaring Antamok open pit site  sa pamamagitan ng initial deed of usufruct upang magsilbing lugar na pagtatayuan ng lungsod ng planong integrated solid waste disposal facility. Ngunit sa inisyal na pagsusuri ng Environmental Management Bureau-Cordillera (EMB-CAR) ay nakitang hindi maaaring gamitin ang lugar para sa planong proyekto.
Dinagdagan ito ng 5.11 ektarya kung saan ang lugar para sa sanitary landfill ay sinuri ng joint technical team mula sa city government, EMB-CAR, at Mines and Geosciences Bureau (MGB) regional office.
Sa ilalim ng expanded deed of usufruct ng Baguio at BC ay hahayaan ng kompanya ang lungsod na gamitin ang naturang lugar nang libre para sa naturang plano sa loob nang 25 taon.
Kasama sa final mine rehabilitation and decommissioning plan (FMRDP) ng BC ang paggamit sa bahagi ng dating Antamok open pit site bilang posibleng lugar na mapagtatayuan ng integrated solid waste facility na may waste-to-energy component maliban sa paglalagay ng sanitary landfill.
Ang Republic Act (RA) 9003 o Ecological Solid Waste Management Act ay nag-uutos sa lahat ng pamahalaang lokal na isara ang lahat ng open dumpsites at magpatayo ng environmentally friendly na garbage facilities upang makatulong sa proteksyon ng kapaligiran at kalusugan ng mamamayan. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon