PAGLILINIS NG KATIWALIAN SA MGA AHENSIYA NG GOBYERNO MAY PATUTUNGUHAN BA MAYOR?

Disyembre noong nakaraang taon ay inireklamo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang hepe ng Department of Public Works and Highways Baguio City District Engineering Office (DPWH-BCDEO) na si Engr. Rene Zarate sa paratang ng mga iregularidad sa isang road improvement sa Bonifacio Road, Baguio City at hiniling sa Office of the Ombudsman na imbestigahan si Zarate sa katiwalian at korupsiyon.

Linabag daw ng opisyal ng DPWH-Baguio City District Engineering Office (BCDEO) ang Section 3 ng Republic Act 3019 o ang the Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Nauna dito ay nagsagawa ang DPWH ng inspeksiyon sa mga proyekto at ayon kay Mayor Magalong ay napatunayan nilang substandard at may depekto ang mga ito, subalit sa maraming buwan na nakalipas ay walang nakikitang konkretong aksiyon at hindi na kayang tiisin ang nasabing korupsiyon.

Sa pagsisiyasat ng Commission on Audit-CAR at sa ulat nito noong Enero 18, 2023 ay sinabing 100 porsiyentong tapos ito at naaayon sa plans and specifications gayundin, ang contract price ng proyekto ay “makatuwiran”. Ito rin daw ayon kay Zarate ang napag-alaman ng Quality Assurance Unit ng DPWH-Central Office, na ayon pa rin kaniya ay “may awtoridad na magsagawa ng assessment sa kalidad ng konstruksiyon at pagsunod sa plans and specifications sa lahat ng mga kasalukuyan at natapos ng proyekto ng DPWH.”

Sa ulat ng COA-CAR at ng QUA DPWH-Central Office ay tila absuwelto na si Engr. Zarate sa mga paratang ni Mayor Magalong. Ngunit ang mga ulat bang ito ay mababago pagdating sa Ombudsman? O baka katigan nito ang inirereklamo. Ang sagisag ng Opisina ng Ombudsman ay sumisimbulo sa mga mandato at tungkulin nito. Ang kalasag, timbangan, at punyal ay nagpapahiwatig ng tulong na dapat ibigay ng Ombudsman sa publiko: ang punyal na pagiging aktibo; ang kalasag bilang tagapagtanggol ng mga tao; at ang timbangan na makatarungan at tapat na paraan.

Ipinahihiwatig din ng mga sagisag na ito ang laban kontra katiwalian at korupsiyon. Ipinapahayag ng punyal ang mga hakbang sa pagpaparusa na maaaring ipataw sa mga lingkod sibil na napatunayang gumawa ng mga walang-konsiyensiyang gawain. Determinado si Mayor Magalong na linisin ang mga ahensiya ng gobyerno sa kaniyang nasasakupan subalit sa hatol ng COA-CAR at ng QUA DPWH-Central Office – may patutunguhan kaya ang mga kaso?

Amianan Balita Ngayon