LUNGSOD NG BAGUIO – Hinihimok ni Ifugao Kongresman Teodoro Baguilat Jr. si Presidente Rodrigo Duterte na masusing pag-isipang muli ang balak na pagpapababa ng criminal liability age mula 15anyos sa 9anyos na lamang.
“Heed the voice of the Filipinos and keep the minimum age of criminal responsibility at 15 years old,” hiling ni Baguilat.
Sinabi ng mambabatas na ang pagpupursige ng gobyerno na isulong sa Kongreso ang batas na magpapababa sa edad ng criminal liability ay isang pagkontra sa nais ng mamamayan at “easy way out of the problem with children getting into conflict with the law.”
Naunang naiulat na sinabi ng Malacañang na bagaman mas maraming Pilipino ang pabor na panatilihin ang criminal liability age ay hindi natitinag ang paninindigan ng Pangulo na pababain ito.
Sinabi ng Palasyo na ang pagpapababa sa edad ay bahagi ng legislative agenda ng Pangulo na isang pamamaraan upang siguruhin na ang kabataang Pilipino ay magiging responsible at pananagutan ang sarili nitong mga aksyon at mapabilang sa intervention programs ng gobyerno.
Ngunit, ayon kay Baguilat, ang ganitong paninindigan ng Pangulo ay taliwas sa nais ng mga Pilipino kung ibabase sa survey results ng Pulse Asia na 55 porsyento ay naniniwalang ang minimum age ng criminal responsibility ay dapat panatilihin sa 15 anyos. Nasa 9porsyento lamang ang naniniwalang dapat itong ibaba sa 9anyos.
Sinabi rin ng Child Rights Network (CRN) na ang resulta ng Pulse Asia survey ay sang-ayon sa Luzon, Visayas at Mindanao at sa lahat ng socio-economic class sa Pilipinas. Nagpapakita lamang ito na naniniwala ang karamihan ng mga Pilipino na ang pagpapababa sa minimum age ng criminal responsibility ay hindi naaayon sa pinakamabuting interes para sa mga bata.
Ayon kay Baguilat, ang mas pangmatagalang solusyon ay ang maigting na pagpapatupad sa Juvenile Justice and Welfare Act o JJWA, na nagsasaad ng kompletong intervention mula sa prevention hanggang sa rehabilitation gaya ng pagpapatayo ng youth centers kung saan mabibigyan ng tulong ang mga children in conflict with the law.
Kamakailan ay inihain ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang House Bill 2 na nagnanais na pababain ang minimum age. May lima pang katulad nito na nagsusulong upang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act para pababain ang minimum age for criminal liability mula 15anyos sa 9anyos. Ace Alegre / ABN
May 14, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024