2 minerong teenager, nasagip sa gumuhong Benguet tunnel

Mankayan, Benguet – Dalawang teenager na small scale miner ang na-rescue matapos ang tatlong oras mula nang gumuho ang isang tunnel sa sitio Dugong, Taneg, bayan ng Mankayan, Benguet noong hapon ng Martes (May 9).

Ang 16-anyos na si Wilson Sanwen Jr., at 19-anyos na si Harvey Tauli, parehong mula sa Lenga, Tadian, Mountain Province, ay mapalad na nakaligtas nang matagumpay silang nahukay dakong 2:20 ng hapon.

Ayon sa lokal na pulis, napag-alaman nilang nakulong sa gumuhong tunnel ang dalawang minero dakong 11 ng umaga at matapos ang 30minuto ay nagsimula na silang maghukay sa naturang lugar.

Ayon sa mga imbestigador ay pansamantalang nagpahinga para sa isang coffee break ang mga minerong nagtatarabaho sa naturang tunnel. Sina Sanwen at Tauli ay bumalik sa tunnel upang ipagpatuloy ang trabahao at matapos ang 10 minuto ay dalawa pang minero ang sumunod sa kanila ngunit umatras dahil nakitang gumuho ang pangunahing lagusan.

Agad na iniulat ito ng mga minero habang ang iba pang kasamahan nila ay nagsimulang maghukay para hanapin sina Sanwen at Tauli.

Ang mine tunnel ay pag-aari at pinangangasiwaan ni Dario Antonio, na taga-Taneg, Mankayan.

Ang Taneg sa Mankayan ay parehong lugar kung saan mahigit dalawang dosenang small scale miners ang namatay nang nanalasa ang bagyo isang taon na ang nakalipas. TFP

Amianan Balita Ngayon