Pangalawang bangkay, nakita sa bangin sa Benguet

Itogon, Benguet – Isa na namang bangkay ang itinapon sa bangin sa bayang ito noong Miyerkules (Mayo 10).
Ang bangkay ay nakilalang isang 42-anyos na garage van driver sa La Trinidad na si Vener Blanag Montilla, alias “Cayat”, tubong Masla, Tadian ngunit temporayong nakatira sa Alno, La Trinidad. Nadiskubre ang bangkay nito sa 20 metrong kalalim na bangin sa dako ng Baguio, Benguet-Nueva Viscaya Road sa Marooc, Loacan, Itogon, Benguet.
Si “Cayat” na isang drug surrenderee ay naiulat na nawawala noong Mayo 5 sa La Trinidad police.
Ang bangkay ay naaagnas na nang matagpuan at halos nakikita na ang buto sa ulo at dibdib nito. May nakita ring fracture sa left mandible jaw nito.
Samantala, noong Mayo 8 ay nakita rin ang bangkay ng 22-anyos na si Jordan Pacion, mula sa East Qurino Hill, Baguio City, sa 100 talampakan na lalim ng bangin sa sitio Caloog, Samoyao, sa bayan pa rin ng Itogon. Nawawala ito mula pa noong Abril 26.
Ang bangkay ay naaagnas na rin nang matagpuan at may nasal, frontal at head fracture na maaaring dulot ng tama ng isang blunt object o dahil sa impact nang itinapon ang bangkay, ayon sa mga imbestigador.
Nahanap ang bangkay matapos na malanghap ng mga residente ang mabahong amoy mula sa bangkay.
Noong una ay hindi makilala ng mga pulis ang bangkay dahil wala itong anumang pagkakakilanlan ngunit kalaunan ay kinilala ng mga kamag-anak nito sa morgue. Ace Alegre
 

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon