Pinakamalinis na mga katubigan sa La Union, kinilala

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Kinalala noong Biyernes, Hunyo 28 ang mga pinakamalilinis na katubigan sa probinsya ng La Union bilang bahagi ng pakikiisa ng lalawigan sa Pambansang Buwan ng Kapaligiran.
Sa kabuuang 16 na sinuring iba’t-ibang katubigan sa probinsya, ang Tapuakan River sa bayan ng Pugo ang kinilala bilang pinakamalinis at nagkamit ng unang pwesto.
Kinilala rin ang Bauang Bakawan sa ikalawang pwesto at ikatlo naman ang Immuki Island sa Balaoan. Tatlong magkakasunod na taon nang kinilala ang Tapukan River bilang pinakamalinis na katubigan sa La Union.
“Napakalaking karangalan ito para sa amin. Kasabay ang responsibilidad na kaakibat nito ang patuloy na pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at sustainability ng aming environmental projects,” pahayag ni Pugo Mayor Priscilla Martin.
Ilan din sa mga naging kasali sa pinakamalinis na mga katubigan ay ang Bussaoit River sa Bacnotan, Tangadan Falls sa San Gabriel, Bulalakaw Falls sa Bagulin, Agoo Alluvium, at iba pa.
Kasama sa mga kinilala sa nasabing pagdiriwang ay ang mga pinakamalilinis, pinakaligtas at pinaka-berde (cleanest, safest and greenest) na mga bayan. Para sa unang kategorya o mga bayan na kabilang sa una hanggang ikatlong lebel, ang Naguilian ang kinilala at sinundan ng Agoo at Balaoan.
Ang mga bayan ng Caba, Santol, at Sudipen naman sa ikalawang kategorya o mga bayan na ika-apat hanggang ikalimang lebel, ang ginawaran ng pagkilala.
Isinagawa ang paggawad sa Diego Silang Hall sa Provincial Capitol building sa pangunguna ni ABONO Partylist Representative Vini Nola Ortega, Board Member Annabelle de Guzman, at Department of Environment and Natural Resources Regional executive secretary Carlito Tuballa.
Ginawaran ng premyo ang lahat ng nanalo na ilalaan para sa environmental projects na pipiliin ng mga lokal na pamahalaan para sa kanilang bayan.
Umaabot sa humigit-kumulang pitong milyong piso ang kabuuang premyong tinanggap ng mga nagwaging bayan.
 
JND/JDS/PIA-1/ABN

Amianan Balita Ngayon