PNP…GAANO KAYA KALINIS PAGKATAPOS ANG….???

Nang kumilos ang DILG at inatasan ang mga matataas na opisyal ng PNP (Col. At General) maraming kilay ang tumaas. Baka marami ding kilay ang bumagsak. Sing-bigat daw ng tone-toneladang sibuyas, asukal, bawang , galunggong at mga produktong puslit na dumarating sa bansa. Buti na lang at di yata ipinupuslit ang kamatis kundi itinatapon ang sobra. Pero inuulit natin ang tanong: GAANO KAYA KALINIS ANG KAPULISAN PAGKATAPOS NG KALISKISAN? Yan ang
malaking katanungan ng mga kababayan nating saksi sa mukha ng PNP simula’t sapul.

Tulungan niyo kaming manghalukay: Marami ang sumaludo sa DILG sa kanilang hakbang na dapat magcourtesy resignation ang mga matataas na mga opisyal. Ang rason: DROGA. Hindi sa nilalahat. Sabi ng mga ulat, may mga sampu lang daw ang target ng kaliskisan. Banat agad ang mga analysts: eh, bakit di na lang yang sampung yan ang pangalanan at huwag idamay ang iba? Sa sistema
kasing ginagawa ay parang buong kapulisan ang damay, sabi nila. Dagdag pa ng iba: kung tutumbukin na lang na isalang ang sampung hinihinalang may kinalaman sa droga…di na mahihirapan ang sinasabi nilang 5-man committee na sasala.

Mantakin mong halos isang libong opisyal ang isa-isahin mong kikilatisin mula nang sila’y napromote bilang koronel at heneral? Sus ginoo…malaking trabaho ire, pards. May nagpatutsada: kung yong mga kaso ng ilang heneral noon na dawit sa ilang kaso ay di pa tapos hanggang ngayon,
ano pa kaya sa dagdag imbestigasyong ito? Nagaanalisa lang ang bayan. Kamakailan…may napaulat na taga-PNP ang nahuli dahil sa illegal na droga. Nakasalang na sa imbestigasyon ang kaso. Ang suspect ay hindi koronel o heneral kundi sarhento.

Tanong: wala kayang madadawit na mas mataas kay sarhento? Tiyak na ang sagot ng DILG ay: pagkatapos himayin ang mga koronoel at heneral…masusuyod din ang mas mababa ang ranggo. Kung ganito raw ang sistemang gagawin…tanong muli: kailan kaya malilinisan ang kapulisan?
Eh, yong isyu nga ng KOTONGAN…talamak pa rin daw. Hindi lingid sa bayan na maraming miyembro ng PNP ang sangkot sa ibat’ibang krimen. Ang mga kaso ay halos limot na at nakatingala sa kawalan ang mga biktima…naghihintay ng hustisya.

Ang masakit….buong kapulisan ang namamantsahan. Papano naman ang dangal at reputasyon ng mas nakararaming miyembro ng PNP na malinis ang serbisyo? Ayon sa matandang kasabihan: ang isang kaing ng kamatis ay mabubulok din kahit isa lang ang sirang maihalo dito. Walang pinag-iba sa katotohanang kahit kakarampot na empleado sa isang ahensiya na gumagawa ng kaaliwaswasa-n…buong ahensiya ang naaapulahan. Dalangin: ano mang paraang legal ang isasagawa upang linisin ang imahe ng kapulisan sa bansa…sana walang bahid-dungis ang resultang aabangan. Sana ito na nga ang hakbang upang maipagmamalaki natin ang ating mga otoridad na hindi
kinatatakutan kundi nirerespeto at sinasaluduhan.

Marami kasing administrasyon ang dumaan at naglinis, pero andiyan pa rin ang dumi. Saludo tayo sa imahe ng kapulisan natin sa buong Cordillera sa tatag at linis ng panunungkulan sa likud ng mga pagsubok. Kudos nga pala sa pagkilos ng Pro-Cor para sa maayos na kordon na kanilang isinagawa sa pagsisimula ng Panagbenga 2023 kamakailan. Inaasahan ng ganito rin ang magaganap sa inaabangang street dancing parade at float parade sa Pebrero 25 at 26. Kudos din kay Mayor Benjie Magalong at mga opisyal ng lungsod sa pagbabalik muli ng flower festival sa likud ng pandemya. Good luck din kay mayor Benjie dahil isa siya sa lima-kataong komite na kakaliskis sa mga koronel at heneral para matukoy ang mga dawit sa droga at maparusahan. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon