REFRIGERATED DELIVERY TRUCK PASISIGLAHIN ANG KITA NG MALILIIT NA MAGSASAKA

LAOAG CITY, Ilocos Norte

Inspirado ngayon ang mga maliliit na magsasaka sa Ilocos Norte na magtanim ng sibuyas ngayong taon matapos mabigyan ang isang kooperatiba ng PhP2.6 milyon na grant para sa pagbili ng isang refrigerated delivery truck. Kinumpirma ito ni Primrose Manglal-lan, chairman ng Board of Directors ng Bacarra Multi-Purpose Cooperative
noong nakaraang Martes at sinabi na inaasahang darating ang 8.5-toneladang truck sa Marso.

“Masaya kami at nagpapasalamat na magkaroon ng isang refrigerated delivery truck upang mas mabuti pang
mapagsilbihan ang mga miyembrong magsasaka. Bubuksan nito ang mas marami pang oportunidad para sa maliliit
na magsasaka na itaas ang kita nila,” sinabi niya sa isang panayam. Upang mapababa ang mga pagkalugi pagkatapos ng pagaani at magkaroon ng mas mabuting akses sa food value chain, pinagsama-sama at iklinuster ng Ilocos Norte
Agriculture and Fisheries Extension Center ang mga magsasaka dito.

Sinabi ni Manglal-lan na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ang kooperatiba ng pondo mula sa gobyerno ng Japan, sa pamamagitan ni Ambassador Koshikawa Kazuhiko, upang matulungan ang maliliit na
magsasaka na may limitadong akses sa transportasyon at nakasalalay lamang sa mga tagapamagitan at upahang mga
sasakyan. Sa kasalukuyan, ang mga magsasaka ng sibuyas sa probinsiya ng Ilocos Norte, sa pamamagitan ng kooperatiba sa Bacarra ay naghahandang magdeliver ng nasa 30 tonelada ng puting sibuyas sa isang direct buyer sa Metro Manila.

Naging posible ito sa pamamagitan ng clustering, pagtulong sa mga magsasaka mula sa produksiyon, postharvest, proseso at marketing ng kanilang mga produkto. Maliban sa sibuyas, tinitingnan din ng mga magsasaka sa Ilocos Norte na magtanim ng ibang high-value crops gaya ng bell pepper na may mas magandang presyo sa merkado.

(LA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon