BAGUIO CITY
Mas maikli, mas magaan, at mas mabili, ganito na ngayon ang proseso ng lisensiya renewal at board exam application sa PRC-CAR, na labis na ikinatuwa ng mga propesyonal at aplikante. Si Adrian Manaois, isang electronics engineer, dati’y inaabot ng tatlo hanggang limang oras para lang i-renew ang kanyang lisensya. Pero
ngayong taon, isang oras lang at tapos na. Ayon kay Manaois, malaking tulong ang pagkakaroon ng satellite
offices, “Mas maganda ito, kasi hindi na lang sa isang lugar.
Ngayon, may dalawa sa Baguio, dalawa sa La Union, at dalawa rin sa Pangasinan. Hindi tulad noon na appointment basis pa, kaya sobrang haba ng pila,” ani niya. Bukod sa renewal, pinadali rin ang aplikasyon para sa board exams. Sa pamamagitan ng mobile outreach ng PRC-CAR, maaaring magproseso ng aplikasyon mismo sa mga paaralan.
Paliwanag ni PRC-CAR Regional Director Juanita Domogen, “Mas mainam para sa mga aplikante na dito na sa school nila mismo mag-submit ng requirements.
Kung may kulang, madali nilang makuha sa registrar o dean. Hindi tulad sa opisina namin na maliit lang at mahirap pagsabayin ang lahat ng aplikante.” Isa sa mga nakinabang dito ang mga kukuha ng Medical Technologist Licensure Examination (MTLE) ngayong Marso. Ayon kay Dianne Kyla Bautista, isang MTLE applicant, “Yung filing process, madali lang, mga dalawang linggo lang bago ang exam. Pero siyempre, yung paghahanda para sa exam mismo,
mas matagal.” Dagdag naman ni Deanne Kaye Mercolisia, “Pareho lang ang proseso, pero mabilis talaga mag-apply.”
Samantala, para kay Earl Quizon, isa pang MTLE applicant, mas maginhawa na ngayon ang proseso. “Mas okay kasi mas malapit na yung PRC-CAR office. Hindi tulad noon na kailangan pang bumyahe ng malayo. Tapos may online
payment na rin, kaya mas mabilis talaga.” Simula pa noong 2010, ginagawa na ng PRC-CAR ang mobile outreach na ito para mapadali ang mga transaksyon, lalo na para sa mga propesyonal na hindi basta makapag-leave sa trabaho.
Ayon kay Domogen, “Marami sa ating mga professionals ang nagtatrabaho mula 8 to 5, Lunes hanggang Biyernes. Kaya kapag kailangan nilang mag-renew ng lisensiya, kailangan pa nilang mag-file ng leave. Mas mahirap ito para sa
mga nasa malalayong lugar.” Kaya naman, tuloy-tuloy ang mobile outreach ng PRC-CAR sa iba’t ibang bahagi ng
rehiyon para matiyak na mas mabilis, mas abot-kaya, at mas epektibo ang serbisyo para sa lahat.
Jeric Ivan Carbonell/UB-Intern
February 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025