BAGUIO CITY
Ipinatupad na ngayon ng SM City Baguio ang bagong sistema ng parking fee, bilang bahagi ng kanilang layunin na mapabuti ang karanasan ng mga mamimili. Ang pagbabagong ito, na orihinal na binalak noong 2022 ngunit naantala dahil sa pandemya, ay sagot sa lumalaking pangangailangan para sa parking sa lungsod. Ayon kay John Philip Baysac, Mall Manager ng SM City Baguio, ang bagong sistema ng bayad sa paradahan ay hango sa mga ipinatutupad sa ibang SM malls sa Maynila.
Layunin nitong gawing mas maayos ang operasyon ng paradahan at mas mahusay na mapagsilbihan ang mga lokal at bisitang mamimili. Sa ilalim ng bagong patakaran na nagsimula noong Pebrero 17, ang bayad sa unang apat na oras ng paradahan sa mga araw ng trabaho ay P50, at may karagdagang P10 para sa bawat sumusunod na oras. Samantala, tuwing Sabado at Linggo, ipatutupad ang flat rate na P50 sa buong araw, lalo na sa mga abalang oras tulad ng tanghali at hapon.
Bagamat may pagbabago sa bayad, tiniyak ni Baysac na may 1,500 parking slots pa rin ang mall, gayunpaman, inamin niyang mabilis mapuno ang mga ito tuwing rush hour, kaya maaaring mahirapan ang ilang mamimili sa paghahanap ng parking space sa unang mga linggo ng pagpapatupad. Sa kabila nito, naniniwala siya na ang bagong sistema ay makakatulong sa mga regular na customer na madalas nakararanas ng hirap sa pagparada.
Ang mga pagbabago sa parking fee ay bahagi rin ng hakbang upang mapabuti ang seguridad, kalinisan, at kabuuang karanasan ng mga gumagamit ng paradahan. Ayon kay Baysac, sa kalaunan ay parehong makikinabang ang mall at ang mga customer nito sa mga pagbabagong ito. Wala pang diskwento para sa mga loyal na mamimili, ngunit patuloy na makakatanggap ng libreng dalawang oras na paradahan ang mga senior citizen at may kapansanan.
Samantala, makakakuha ng 20% discount ang mga residente ng Baguio matapos ang unang dalawang oras ng kanilang paradahan. Sa ngayon, wala pang online payment para sa parking fees sa SM City Baguio, ngunit kinumpirma ni Baysac na kasalukuyang pinag-aaralan ang integrasyon ng online payment options at karagdagang
bayad centers upang mapadali ang pagbabayad at mapabilis ang daloy ng mga sasakyan. Isa sa mga loyal customer ng SM City Baguio na si Ace ay nagbahagi ng kanyang reaksyon sa pagtaas ng parking fee. “Medyo nagulat ako na tumaas ang parking fee, bilang isang loyal customer. Pero syempre, susunod pa rin kami sa bagong sistema,” aniya, na bagamat nagulat ay naiintindihan ang pangangailangang baguhin ang sistema.
Iris Dymphna Samson/UB-Intern
February 22, 2025
February 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025