REPAINTING NG STOBOSA TARGET NG MGA RESIDENTE

LA TRINIDAD, Benguet

Target ng mga residente at organisasyon ng Community Consumers Cooperative (COOP), katuwang ang lokal na pamahalaan ng La Trinidad at  Davies Paints, na mapinturahan muli ang
mga bahay sa StoBoSa ngayong Pebrero at matapos sa Marso upang muling buhayin ang masiglang komunidad na naging atraksyon sa mga turista. Ang StoBosa ay isang kombinasyon na binubuo ng mga pangalan ng mga lokasyon kung saan matatagpuan ang likhang sining: Stonehill, Botiwtiw, at
Sadjap (StoBoSa).
Ang Barangay Balili ay sumasaklaw sa lahat ng tatlong lokalidad, ang “Bayanihan” ng mga lokal, artists, estudyante, at mga boluntaryo ay naging makulay at isa sa pinakasikat na mga tourist spot sa La Trinidad. Ayon kay Peja Pulicay,12, at residente ng Balili, “Kailangan pang i-work ang Valley of Colors. Kailangan na ng repainting”. Ito ay unang napinturahan noong 2019 bilang tourist attraction at inaasahan ng mga turista at lokal ang muling pagpipinta ng lugar sa buwan ng Pebrero.

Ayon naman kay Rosemarie Bongcog, isang residente na kasali sa kooperatiba, ang muling pagpipinta ay naglalayong ibalik ang kasiglahan ng Valley of Colors. “Sinasabi nila (turista), maganda tingnan sa picture pero kapag nandito na parang iba naman,” dagdag ni Bongcog. Bagama’t kung minsan ay hindi ito ang inaasahang makita ng mga turistang dumadayo, ipinaliwanag ng mga tao sa komunidad na ang mga larawang nakita nila sa internet ay mga kuha apat na taon na ang nakararaan.

“Mayroong talagang mga pagbabago gaya ng mga karagdagang mga istruktura at pagkupas ng mga kulay ng mga bahay,” paliwanag pa ni Bongcog. Ayon naman kay Leslie Darnayla, isang turista mula sa Manila, “Galing kaming Strawberry Farm ng partner ko, so hinahanap namin saan ‘to.
Noong una, akala ko hindi pa dito kasi makulay ung nakita namin sa internet pero dito na nga”.

Inamin ng turista na naging okay naman ang kanyang pagbisita sa kabila ng katotohanan na hindi ganoon ang kanyang inaasahang makita, ngunit sinabi nito na maganda ang likod ng istorya ng paggawa ng Valley of Colors. “Kung mapapanatili lang ang kulay ng mga bahay, mas gaganda pa ang Stobosa,” dagdag pa ni Darnayla.

Maliban sa muling pagpipinta ng mga bahay, ang StoBoSa at Community Consumers Cooperative (COOP) ay nagtayo ng banyo para sa mga bisita at pinalitan ang entrance tent ng konkretong istraktura. Mayroon na rin silang tanggapan ng Community Consumers Cooperative kung saan maaari nilang ipakita ang kanilang mga produkto at ibenta bilang mga souvenir. Ang mga ito ay naipatayo sa tulong na bondo na bigay ng pamahalaan.

Franz Angielyn Olarte-UB Intern

Amianan Balita Ngayon