Sa mga lumalalang sakuna, wala ng puwang ang turuan at sisihan

Editorial

Nauna ng nagbabala ang mga eksperto na ang panganib ng mga pagguho ng lupa sa Pilipinas na isa sa pinakamalapit sa sakuna na mga bansa sa buong mundo ay lubhang tumataas na. Ayon sa mga espesiyalista sa pananaliksik ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na dahil sa pagbabago ng kondisyon ng panahon at dami ng ulang bumubuhos bawat panahon ng tag-ulan ay tunay na nagpapataas sa bilang ng pagkakaroon ng mga pagguho. Ang kombinasyon ng bulundukin at maburol ng mga rehiyon na nakakaranas ng mga paglindol gayundin ang matinding buhos ng ulan sanhi  ng monsoon o mga bagyo ay nagiging naturally susceptible ang mga lupa sa mga pagguho. Ayon pa sa MGB ay umaabot sa 80 porsiyento ng kabuuang sukat ng lupa sa bansa ay mapanganib sa pagguho na naglalagay sa Pilipinas bilang ikalawa na mapanganib at ikatlo na most exposed sa panganib ng pagguho at sakuna ayon sa World Risk Report 2014 at ikalima sa pinaka-apektadong bansa mula 1994 hangang 2013 base sa Long-Term Climate Risk Index (CRI) na inihanda ng German Watch.

Base sa datos ng DENR-MGB ang top10 landslide prone areas sa buong Pilipinas ay pinapangunahan ng Benguet na nasa 90.3 porsiyento sunod ang  Mountain Province, 87.1 %, Nueva Vizcaya, 86.7 %, Kalinga at Apayao, 84.7 %, Southern Leyte, 82.6 %, Abra, 82.1 %, Marinduque, 78.6 %, Cebu, 77.6 %, Catanduanes, 77.4 %, at Ifugao na may 77.3 porsiyento landslide prone. Idineklara ng MGB-CAR na karamihan ng lugar sa rehiyon ay malapit sa pagguho dahil na rin sa slope at geology ng rehiyon. Sa kasalukuyan ay gamit ng MGB ang geohazard map ratio na 1:50,000 scale habang 1:10,000 scale ang gamit sa Tublay, Benguet at Lagawe Ifugao. Ipinapatupad na ng MGB ang National Geohazards Assessment and Mapping Program mula pa noong 2005 na ang pangunahing layunin ay upang matukoy ang mga lugar sa rehiyon na may banta ng panganib o malapit sa iba’t ibang geologic hazards at magbigay ng mahahalagang impormasyon sa iba’t ibang stakeholders upang mabawasan o maiwasan ang epekto ng ganitong mga pangyayari.

Ibig sabihin nito, ang trahedya sa Sitio Little Kibungan, La Trinidad noong 2009 at Ucab, Itogon na kapuwa nasa Benguet gayundin ang kamakailang pagguho sa Natonin, Mt. Province ay hindi talaga maiiwasan dahil lahat ng lugar na ito ay napakalaki ng porsiyento ng pagguho na tinukoy ng MGB higit isang dekada na ang nakakaraan? Sa Natonin ayon pa rin sa MGB ay may 90% nito ay mapanganib sa mga pagguho at ang nangyaring trahedya dulot ng bagyong Rosita ay talagang mangyayari.

Sa ganitong mga sitwasyon kung saan marami ang namamatay at biktima, karaniwang ibinabato ang sisi sa mga opisyal ng Local Government Units (LGUs) partikular ang mga alkalde. Ito ngayon ang kinasasadlakan ni Mayor Mateo Chiyawan ng Natonin na tuwirang sinabi ng OCD-CAR na may pagkukulang siya sa pangangasiwa at pagpapatupad ng ‘evacuation plan’ na takda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at bilang chairman at punong tagapag-patupad ng Municipal Risk Reduction and Management Council.

Subalit mas higit sa mga pag-aaral, ang mga karanasan sa nakalipas na mga taon ay patunay sa ating kahinaan lalo pa ngayong ang mga sakuna ay mahirap unawain, madalas at bigla-bigla kung dumating, lumalawak at lumalakas. Ang mga sakunang ito ay tinatawag ng ‘new normal’ at ang mga kagaya nito ay hindi na kayang tugunan ng nag-iisa lamang dahil ang dating pangamba at pag-aalala ng iilan lamang ay pangamba at pag-aalala na ng bawat isa ngayon – kaya wala ng puwang ang turuan at batuhan ng sisi kaya ang higit na gawin ay matuto at magkaisa. PMCJr.