Baguio City, binagyo g kontrobersiya!

Daplis Walang Mintis Opinion

Susmaryusep! Ano bang nangyari pards, at katatapos lang ng bagyong si Rosita, binagyo ulit tayo. Grabe pa ang intensity dahil usap-usapan ang Baguio City sa buong bansa at baka pati na sa ibayong dagat dahil sa mga kontrobersiya. Teka..teka pards, medyo blurd yata ang dating ng signal na ire hane, dapat uriratin natin mga kabalin. Sige, sumunod…

*********

Nang dumaan si bagyong Rosita, nag-iwan ito ng mahigit sa dalawampung casualties at may mga missing pa. Ang sanhi ng natabunang DPWH ang unang kontrobersiyang naiwang nakatiwangwang at puno ng mga turuan kung sino ang dapat sisihin. Maawa naman kayo sa mga namatayan, sila muna ang asikasuhin ninyo hindi yang kung ano-anong tsetse buretse pa riyan. Banatan kayo ng banatan baka  kayo ang mabanatan sa bandang huli. Hintayin na lamang ang tamang panahon na lalantad din ang katotohanan, puwede ba?

*********

Kala natin ay tatahimik na. Aba’y biglang sulpot ang isyu ng bagong batas-lokal hinggil sa pagbabawal sa pagmumura.  Whaaatt? Tama pards. Bawal na ang magmura sa Baguio City lalo sa mga public places lalo na sa mga eskuwelahan. Ito ay upang maprotektahan, ika ni Mayor Mauricio Domogan ang dignidad ng mamamayan at mailayo ang mga kabataan na mamulat sa maling dulot ng hindi magandang asal, na isa na riyan ang pagmumura. May mga sumaludo sa hakbang pero meron ding nalaglagan ng kilay. Sabi ng ilang wala na sigurong kilay: kahit sino kung galit ka talaga, siyempre, makakamura ka. Pag sinaktan ka ba, makukuha mo pang ngumiti at mag-tenk-u? Pero sa ganang amin, maganda ang punto ng hakbang na ito lalo pa’t sabi nga ni Apo Maurice, wala namang kaparusahan sa mga mahuhuli. Pagsasabihan lang sila na may ganyang panuntunan sa ating lungsod. Kung mga kabataan naman ang naaktuhang nagmumura, patatawag ang mga magulang at mamura, este, malekturan. Ganern pala.

*********

Hindi lang ang sunog sa Session Road na tumupok sa laman ng dating sinehan (Pines) kamakailan ang nagmistulang kontrobersiya, pards. Aba’y mantakin mong halos di makapasok ang mga water delivery trucks na umaasiste sa Baguio Fire Brigade dahil sa dami ng mga usyuso, mga usi! Para bagang ngayon lang sila nakakita ng sunog eh! Maryusep naman, mga kabayan. Ditay koma met ah, pasalsali! Yan nga ang sakit natin, pards. Subukan mong sumigaw sa gitna ng crowd o sa may palengke na lang at bigla kang tumingala, lahat ng mga taong naroroon, titingala rin na para bagang may babagsak ng septic tank. Hayy naku, buhay nga naman. Kudos sa mabilis na pagkilos ng mga fire fighters at hindi lumaki ang sunog. Iniimbestigahan na ang isyu.

*********

Ang pinakahuling kontrobersiya na talagang bagyong-bagyo ay ang nasilip nilang isyu ng Pregnancy Test na ginawang mandatory daw ng isang paaralan sa Baguio City. Sa huling nasagap na ulat ng Daplis, iniimbestigahan na ng CHED ang kontrobersiya matapos na nag-viral na sa internet at marami ang pumuna at bumanat lano sa hanay ng mga kababaihan at mga magulang na rin. May ikinatuwiran naman ang paaralan dahil gusto lang nilang protektahan ang kapakanan ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong-medikal kaya raw nila ito ginagawa. Di pa alam kung saan hahantong ang panibagong bagyo na ito sa ating lungsod. Tse tse, nakakainis na nakakabanas ang eksena, pards. Noong nabigyan ng pagkilala ang BCPO at mga opisyal nito ng karangalan bilang City Police Office of the year sa buong Pilipinas, hindi kinagat kahit man lang pahapyaw ng national media. Pero nang may nasilip silang negatibo, parang kulog at kidlat na pinasabog. Bakit naman ganon, upak  ng ilang nakapuna. Oo nga naman. Hayy buhay, parang life talaga.  Makakamura ka nga kaya lang bawal na eh! Adios mi amor, ciao, mabalos.