Barangay kagawad, pinagbabaril sa Ilocos Norte

Police Patrol

ILOCOS NORTE – Maswerteng nakaligtas at nakapagkubli sa loob ng tahanan nito ang isang barangay kagawad na pinagbabaril ng riding in tandem dakong 7pm ng Nobyembre 5, 2018, sa Barangay Pagsanahan Sur, Badoc, Ilocos Norte.

Kinilala ang biktimang si Nick Sagun Vergara, 52, may-asawa, at residente ng lugar.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 6:50pm ay nakatayo ang biktima sa harap ng kanyang bahay at inaayos ang kanyang barbecue stand nang napansin nito ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na helmet at nakasakay sa pulang Honda TMX motorcycle na walang plaka mula sa hilaga.

Pahayag ng biktima, itinutok sa kanya ang isang short firearm ng backrider at binaril siya nang apat na beses ngunit nakailag siya at nagtago sa loob ng kanyang bahay habang tumakas naman ang mga suspek papunta sa timog.

Nabigay ng flash alarm ang Badoc police sa mga kalapit na police stations para sa dragnet operation upang makilala at maaresto ang mga suspek.