Sa taong 2022

Umaasa ang Sambayanang Pilipino na magiging maganda ang takbo ng buhay sa taong 2022. May kanya-kanya ng ‘wish’ sa pagsapit ng panibagong taon.

Ang tanging wish ko lang ay matapos na ang pandemya upang mabago na ang takbo ng ating buhay.Kahit anong ginhawa ang tamasahin ng bawat-isa kung nasaisip at nariyan pa ang kinatatakutang virus ay hindi pa rin mapapanatag ang ating sarili. Libu-libo ang namatay ng wala sa panahon dahil sa pandemya,kaya huwag na sanang mangyari ito at sa halip ay muling bumalik ang sigla ng bawat-isa.

Sa taong 2022, huhusgahan ng Sambayanan ang ating mga kandidato na magpapabago sa takbo ng Pilipinas. Nasa kamay na ng bawat botante ang kapalaran ng Pilipinas,kaya ngayon pa lang ay umpisahan ng mag-isip at isiping mabuti kung sino ang iboboto,upang sa huli ay hindi ito pagsisihan.

Tandaan po natin na ang pagboto ay isang beses sa loob ng anim o’ tatlong taon, kaya napakahalaga po ito at huwag natin sayangin dahil lamang sa pera.

Sana naman, bago mo iboto ang isang kandidato ay tignan mo muna ang nagawa niya sa loob ng anim o’ tatlong taon niyang panunungkulan. Kung hindi ka man niya napagsilbihan, ay isipin mo nalang kung napagsilbihan niya ang nakakarami pero at napaunlad
niya ang bayan sa gitna ng pandemya, ay siya ang piliin mo.

Hindi yong kandidato na panay ang dakdak na wala namin nagawa sa panahon ng kahirapan. Gagamitin pa sa kampanya ang problema sa
pandemya,samantalang noong kasagsagan ng pandemya ay nagtatago at takot lumabas ng bahay para tumulong. Pangako dito,pangako doon ang kampanya niya,pero pag nanalo na ay napapako naman, hay naku magising na sana tayo sa katotohanan.

Huwag pagbasehan ang nakakaakit na pangangampanya sa social media, tignan mabuti ang kandidato na hindi pulitiko at may paninindigan sa sinumpaang tungkulin para sa serbisyo sa bayan.

Panahon na naman ng bolahan ngayon at ilang pulitiko na makikita mo lang pag panahon ng eleksyon at kung magsalita ay akala mong kaya niyang gawin lahat ang kanyang ipinapangako.

Ang punto ko po sa taong 2022 ay maging malaya na tayo at matapos na ang pandemya,iyan po sana ang unahin nating gawin ang maging responsable sa pagsunod sa health protocols, dahil po kapag naging pabaya tayo ay ano ang silbi ng eleksyon kung ang lahat ng tao ay mauubos dahil sa virus.

Huwag po nating kalimutan na nasa ilalim pa tayo ng pandemya. Pangalawa po ay ang nalalapit na halalan, maging responsible din po tayo sa kandidato na iluluklok natin para tayo ay pagsilbihan.

Huwag po nating isipin ang pansarili lamang,kundi isaalang-alang natin ang kapalaran ng ating bayan,lalawigan at bansa. Muli, ang Puntirya at ang bumubuo ng Amianan Balita Ngayon ay labis na nagpapasalamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa hatid naming malaya at walang kinikilingang at makatotohanang pamamahayag.

Mabuhay po ang Sambayanang Pilipino at Manigong Bagong Taon po sa ating lahat.

Amianan Balita Ngayon